Huwebes, Setyembre 1, 2011

ANG PAGIGING TUNAY NA ALAGAD

Paano ba natin nalalaman na pinasok na ng Diyos ang ating buhay o kalooban? Sa ating ebanghelyo ngayon ipinahayag ni Lucas sa mas detalyado o madramang  paraan  pagtawag ni Hesus sa kanyang mga apostol. Inimbita ni Hesus ang kanyang sarili sa basnig ni Simon Pedro at hindi iyon ipinagkait ni Pedro sa kanya. Ngunit batid nating lahat na hindi lamang iyon ang kailangan ni Hesus. Ang hinahanap Hesus ay mga taong ganap na makapagbibigay ng kanyang buong sarili upang tumulong sa kanyang gawain – ang tipinunin ang sankatauhan at ipahawag ang labis-labis at hindi hukag na pagmamahal ng Diyos.
Tayo ay dinala ni Hesus sa baybayin ng Genesaret,kung saan ang pangingisda ay ang panguhaning hanapbuhay. Sa ebanghelyo ating masisilayan ang malawak na tubig dagat kung saan nagmumula o nakaugat ang buhay ng mga apostol. Marahil karamihan sa atin ay may ganitong katanungan, bakit nga ba sa dagat nangyari ang pagpili o pagtawag ni Hesus sa kanyang mga apostol – tagasunod?  Bakit sa dami-dami ng pwedeng maging kanyang tagasunod,e, doon pa sa hanay ng mga mangigngisda ? Ang tubig dagat ay sumisimbolo ng buhay – malawak, tahimik, at may naka ambang panganib. Ngunit ito rin ay  sumasalamin sa malawak na sakop ng misyon ng Diyos – walang hangganan. Ito’y sumalamin ng dami ng taong na dapat tipunin ng mga apostol. Bakit nga ba mangingisda  ang napinili ni Hesus na maging tagasunod niya? Inilarawan ni Lucas ang isang espesyal na mga katangian o kalikasan ng mga mangingisda: ang kanilang pagiging labis na matiyaga, mapagkumbaba, at matibay na pananampatalaya. Likas nga na mahirap maghintay nang magdamag ng walang tiyak na huli. Hindi nila alintana ang katotohanan iyon, subalit matiyaga nilang sinuyod ang karagatan ng buong gabi – hindi inisip ang sariling kapakanan, hindi inanda ang takot sa dilim na bumabalot sa laot, at patuloy silang umaasa ng sapat na huli ng isda para sa kanilang mga pamilya. Ganito ang inaasahan ni Hesus sa kanyang mga magiging apostol. Kahandaan sa paglilingkod at matiyaga paghihintay. Pusong mapagkumbaba at lubos na pananampalataya sa kakayahan ng Diyos na lingapin at tulungan ang mga nangangailangan. Kung kasing lawak nga naman ng tubig ang sankatauhan na iyong titipunin, ay tiyak ang mga katangiang ito ang tangi at higit na kailangan.
Batid nating lahat na hindi madali ang pagsunod sa landas ni Hesus. Kaakibat nito ay matintinding pagsubok. Iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya. Hindi man ganun kalaki ang kanilang ari-arian bilang mga mangingisda pero ito ang kanilang buong buhay: hanapbuhay, pamilya, at buo nilang nakaraan bilang mangingisda. Sa himalang ipinakita ni Hesus ay kanilang lubos naintindiha ang kanilang bagong tungkulin bilang “mangingisda ng tao” - ang pagbuklurin ang mga taong pinagwatak-watak ng kasalanan at para pag-isahin ang nakakalat na mga anak ng Diyos.
At bilang mga bagong Simon Pedro at mga anak ni Zebedeo  sa kasalukuyan, handa ba tayong yakapin ang buhay sa malawak na karagatan? Sabi nga sa isang tula na sumalamin sa katotohanan at pangyayari sa kasalukuyan: ang buhay ay dagat, ang kalayaan ay lambat, ang dangal ay isda…ngunit ngayon, hindi na masagana ang dagat, gulanit na ang lambat…wala ng isda at mangingisda.
Dapat nating maintindihan na ang dagat ay sumasalamin sa sankatauhan sa kasalukuyan. Mga taong may iba’t ibang paniniwala at idolohiya sa buhay. Mga taong may iba’t ibang interes sa ating lipunan. Mayroon nakaka-angat at mayroon lugmok sa kahirapan. Hindi ito bago sa ating pandinig, sapagkat palaging natin itong niyayakap sa tuwing tayo ay pumunta sa kanya-kanya nating gawain tuwing sabado. Handa ba tayong gawin ang ginawa ng mga apostol? o maging tulad nila? Iniwan ang lahat at sumunod kay Hesus, sa tuwing ating binabahagi ang ating mga sarili, ito ba’y nakatoon at nakasentro sa paglilingkod o nanatili sa sawsaw suka na paraan . Sa ngayon gagawin ko ang aking mga gawain sapagkat ito’y iniatas sa akin…pagkalipas ng ilang buwan o pakatapos ng aking nakalaang tungkulin…paalam na…tapos na ang lahat…tapos na akong makisawsaw sa buhay ng mga mahihirap, inaapi, at biktima ng bulok na sistema ng pamahalaan.
Bilang pantapos sa aking pagbabahagi; nais kung ibahagi sa inyo ang  storya ng isang magiting na babaeng na pumalaot sa malawak na karagatan – sa buhay ng mga mahihirap, inaapi, at biktima ng bulok na sistema ng mga namamahala. Hindi lang siya basta nakisawsaw – bagkos ang kanyang buhay na ibinuwis ay sumasalamin sa tunay na  pagsunod kay Hesus. Tawagin natin siyang si Filomena Asuncion, isang diaconesa ng Harris.  Si Filomena ay isang simpleng babae…makaluma ika nga kung ati’y tawagin. Sa kanyang masinsinang pagbababad sa buhay ng kahirapan kanyang nabatid ang tawag ng Dios “Kumilos, Tipunin, ipahayag ang katotohanan at balita ng kaligtasan sa mga mahihirap.” Pinili niyang talikuran ang marangyang buhay at piniling manirahan kasama ang mga inaapi sa ating lipunan. Naging bahagi siya ng rebolusyonaryong kilusan, dinala nya ang balita ng kaligtasan sa kabundukan, kinakaskas niya ang kanyang mga gitara sambit ang mga himig at hinaing ng paglaya, pagbabago, at pagkapantay-pantay ng tao sa ating lipunan. Siya ay nasawi sa isang enkwentro laban sa kumpunan ng mga sundalo. Naging tunay ang kanyang pakikiisa sa buhay ng mga mahihirap gamit ang rebolusyonaryo pananampatalaya na nakasentro sa nag-iisang Hesus na nais nating sundan.
Isa lamang ito sa maraming halimbawa at mga pangyayari sa malawak na karagatan sa kasulukuyan. Kaya ba nating maging tulad ng mga apostol ? Kaya ba nating maging tulad ni Filomena ? Ako hindi ko kaya…kailangan pa ng masinsinang paghahanda sa sarili at pagmulat sa tunay na kalagayan ng malawak na karagatan. Mga kapatid handa ba tayong galugarin ang walang hangganan at napakalawak na karagatan upang pagbuklurin ang mga taong pinagwatak-watak ng kasalanan at para pag-isahin ang nakakalat na mga anak ng Diyos na nabubulag ka kanya-kanya at pansariling pangangailangan? O maninatili nalang sawsaw suka…bulag sa tunay na kailangang tugon sa tawag ng Diyos sa atin…makatotohanang tugon sa daing ng kahirapan, inhustiya, at hindi pagkapantay-pantay sa ating lipunan. Paano ba natin nalalaman na pinasok na ng Dios ang ating buhay o kalooban? Pag-natutunan nating tanggapin ng malugod sa ating mga puso ang tunay na misyon na pinagkaloob ng Diyos sa atin. Ang matutunan nating sabihin : lumayo ka sa akin Panginoon, sapagkat ako’y makasalanan. Ito’y nakakatok na hudyat ng pagpasok ng Diyos sa ating buhay ngunit kapalit nito ay buhay na puno ng pagmamahal ng Diyos na hindi bunga ng balugyot na gawain kundi ang makatotohanang pakiisa at paglilingkod sa malawak na karagatan – ang tipunin ang nagkawatak-watak na lipunan at mamamayan.

- dugongmakabayan

Biyernes, Agosto 26, 2011

UNANG 100 ARAW: LAMPAS SA KONTRA-KORAPSYON, MGA TUNAY NA HAKBANG TUNGO SA REPORMA

Lampas sa kampanyang kontra-korapsyon o ‘matagumpay’ na eleksyon at mapayapang transisyon mula sa administrasyong Arroyo, ang tunay na pagsubok sa demokrasya sa bansa ay nakasalalay sa pagkilala sa mga tunay na problema at tamang kulumpon ng mga pamamaraan para bigyang-solusyon ang mga ito.
Ni Sonny Africa

Lathalaing IBON – May panahon ng optimismo sa bansa dahil sa relatibong ‘kapani-paniwalang’ resulta ng eleksyon, isang papasok na ‘lehitimong’ gubyerno, at isang diumano’y kontra-korapsyong administrasyong Aquino. Maaaring manatili ang pag-asa nang ilang panahon maliban kapag lumobo nang husto ang mga ulat tungkol sa mga iregularidad ng automated na eleksyon at ng mga tradisyunal na maniobrang pulitikal.
Subalit ang anumang posibilidad ng pagbabago ay nakasalalay sa pagkilala sa mga tunay na problema at sa tamang mga pamamaraang ginagamit para malutas o maharap ang mga ito. Higit sa kampanyang ‘kontra-korapsyon’ o ‘matagumpay’ na eleksyon at mapayapang transisyon mula sa administrasyong Arroyo, ito ang mga tunay na susubok sa demokrasyang pampulitika at pang-ekonomya sa bansa.

Ang papasok na administrasyon ay nahaharap sa napakatagal nang mga hamon na nagpanatiling dukha at paatras ng Pilipinas. Pinalala pa ang mga ito ng walang-patid na kawalang-estabilidad sa pandaigdigang ekonomya na dulot ng pandaigdigang krisis sa ekonomya na patuloy pang nagkakahugis.
Kung ang populistang linyang “Kung walang korap, walang mahirap” ay ginamit bilang balangkas ng pag-abot ng tunay na reporma sa bansa, nagkukulang ito. Ang kampanya laban sa korapsyon ay isang maliit na bahagi lamang ng komprehensibo at konkretong plataporma ng kinakailangang panggugubyerno na mapagpasyang kumakalas sa mga bigong pamamaraan ng nakaraan.

Napakarami ng at iba’t iba ang mga problema ng bansa kayat ginagawa nitong mapanganib ang paulit-ulit na retorikang kontra-korapsyon – na para bang ito ang pangunahing dahilan ng mga problema ng bansa. 

Labis na pagbibigay-diin sa korapsyon?
Di maikakailang mapanghimasok, napakatagal at umabot na sa pinakamatataas na antas ng gubyerno ang korapsyon. Totoo rin na sinasaid nito ang pampublikong rekurso at sa maraming paraan ay sumisira sa mainam na pangangasiwa sa ekonomya at binabansot ang produktibong aktibidad. Pero nang hindi minamaliit ang pangwawasak na sanhi ng korapsyon, mahalagang Makita ang mas malalim at mas malaking pangwawasak dulot ng mga patakaran ng ‘malayang pamilihan’ ng globalisasyon.
Sa kabila ng mga reklamo tungkol sa korapsyon at kahit sa ‘mabuway na pulitika’, patuloy pa ring matagumpay na ipinatupad ang mga patakaran ng globalisasyon nitong mga nakaraang dekada: pagtanggal ng kontrol sa kalakal at pamumuhunan, pribatisasyon ng mga pampublikong kagamitan at serbisyong panlipunan, deregulasyon ng ekonomya, at patuloy na pagbabayad-utang. Sabay-sabay nitong pinaguho ang local na manupaktura at agrikultura, nagsanhi ng walang-kapantay na disempleyo at papatinding kahirapan, at nagpwersa sa milyun-milyong Pilipino na mangibang-bansa.

Sadyang ang korapsyon ay ginagamit bilang pantabing upang itago ang kabiguan ng mga patakarang globalisasyon. Mula noong 1990s nang ang ebidensya ng pagkabigo ng mga repormang neoliberal ay nagsimulang magpatung-patong at ang pagiging lehitimo ng International Monetary Fund at World Bank ay kinukwestyon, inimbento at binenta ng mga neoliberal na tagasulong ang ideyang Post-Washington Consensus – na ang masamang panggugubyerno, at hindi ang mga patakarang ‘malayang pamilihan’, ang dapat sisihin sa tumitinding kahirapan at krisis sa mga atrasadong bansa na nagpatupad ng mga repormang neoliberal.

Ang pagbagsak ng ekonomya ay isinisisi sa korapsyon imbes sa kung papaano tinanggal ng mga patakaran ng ‘malayang pamilihan’ ang suporta ng gubyerno para sa mga local na manininda at hilaw silang isinabak sa dayuhang kompetisyon. Ang lumalalang serbisyong kalusugang pampubliko at edukasyon ay isinisisi sa korapsyon imbes na sa pribatisasyon sa gitna ng di-maawat-awat na pagbabayad-utang. Ang malamyang panggugubyerno ay isinisisi sa korapsyon imbes na sa di-demokratikong paghahari ng iilan sa mga prosesong pulitikal at sa paglikha ng mga patakarang pang-ekonomya. Naging madulas na palusot ang korapsyon upang pagtakpan ang mga seryosong sakit ng paglikha ng mga patakarang neoliberal.

Ang lumalalang disempleyo na sanhi ng globalisasyon ay nangangahulugan ng daan-daang-bilyong piso ng nalustay na potensyal na produkto kada taon dahil sa di-nagamit na lakas-bisig, bukod pa sa pagdurusa ng tao sanhi ng kawalang-trabaho. Nangangahulugan ang pribatisasyon at mga hakbang sa pagtitipid ng sandaang-bilyong-pisong bawas sa taunang paggastos sa kalusugan, edukasyon at pabahay. Samantala sa walang-tigil na pagbabayad-utang ang interes at bayad-prinsipal ay tuluy-tuloy na umaabot nang isang trilyong piso kada taon. Ang halagang nakaltas sa pampublikong pondo ng mga korap na upisyal ay di matatawaran – may ilang pagtantsa na umaabot ito sa US$2 bilyon kada taon – pero maliit pa rin ito kumpara sa mga panlipunang kawalan dahil sa globalisasyon.

Mahalaga rin ng papel ng mga patakarang liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon sa aktwal na pag-ambag sa malawakan at sistemikong korapsyon sa bansa. Ang pagsirit ng dayuhang kapital at produktong tulak ng ‘malayang pamilihan’ sa bansa ay lumikha ng maraming oportunidad para sa mga kumisyon, panunuhol at pamimirata ng mga pulitiko at burukrata habang ang mga mahahalagang mekanismo ng pampublikong kontrol, pag-usisa at pagbubukas ay inalis na o ginawang inutil.

Lumilihis sa mga batayang reporma na kailangan ng bansa ang sobrang pagbibigay-diin sa korapsyon bilang ugat ng panlipunan at pang-ekonomyang pagka-atrasado. Ikinukubli rin nito ang patuloy na pagpapatupad ng mga patakaran na di kinakailangan ng bansa. Kaiga-igaya ang pagiging bukas at may pananagutan sa paglikha at pagsasakatuparan ng mga patakaran – subalit ang kawalan ng mga makabuluhang patakaran para sa pambansang pag-unlad – at ang pamamayagpag ng mga nakikinabang sa mga makikitid na interes na iilan – ay may mas malalalang mapanirang epekto sa kapakanan ng mamamayan.

Ang problema
Ang pinakamasaklaw na mithiing pangkaunlaran ay ang mapabuti ang pang-ekonomya at pampulitikang kagalingan ng karamihan sa mga Pilipino. Ang pangunahing hamong pang-ekonomya ay harapin ang mga kabaluktutan sa ekonomya na nagkait sa mga nagtatrabahong Pilipino ng bung-buong pakinabang mula sa kanilang pinaghirapan at sa mga natural na yaman ng bansa, at sumagka sa pang-ekonomyang potensyal ng bansa.

Matagal na panahon nang ang istilo ay sumandig sa paglikha ng kapaligirang bukas sa globalisadong patakarang pang-ekonomya na siyang gusto ng mga dayuhan at local na mamumuhunan. Habang sila ay maliit na bahagi lamang ng populasyong aktibo sa larangan ng ekonomya, may mga naniniwalang ang tagumpay ng kanilang mga negosyo ay lilikha ng mga trabaho, magpapataas ng mga kita at susuporta sa pang-ekonomyang pag-unlad.

Tunay na nagkaroon ng paglagong pang-ekonomya, pagtaas na pangnegosyong tubo at paglago ng kayamanang personal ng iilan. Subalit sa buong saklaw ng ekonomya, ang tunay na disempleyo ay nasa walang-kapantay na mag-iisang-dekadang katindihan na nagpwersa sa may siyam na milyong mamamayan na mangibang-bansa upang maghanap ng trabaho. May 66 milyong Pilipino ang mahirap at nagtatangkang mabuhay sa P86 o malayong mas kaunti pa kada araw – habang kalahati ng populasyon ang nagkukumasya sa P18-54 lamang kada araw.

Ang hinaharap ng ekonomya ay lalong pinadidilim ng mg aproblema sa mga sector na inaasahang lilikha ng trabaho at dinamismo: ang local na manupaktura ay kumupis na sa kasinliit ng bahagi nito sa ekonomya noong 1950s habang ang agrikultura ay nasa pinakamaliit nitong ambag sa kasaysayan ng bansa. Ang maliliit at panggitnang mga prodyuser sa buong bansa ay tinamaan na ng alon ng pagkabangkarote.

Malinaw na nabigo na ang istilo ng pag-asa sa manipis na seksyon ng interes ng malalaking pribadong sector. Imbes, ang prayoridad ng patakaran ay dapat mapunta sa pagbibigay sa ibayong mas malawak na bilang ng mamamayang Pilipino na nagtatrabaho ng mas malaking bahagi ng mga produkto ng kanilang mga tinrabaho. Dapat din, mas kaya nila – gayundin ng anumang tunay at local  na maliit o panggitnang negosyo – na maabot ang lupa, puhunan at suporta ng gubyerno. Ang sobrang pagsandig sa mga eksternal na pagmumulan ng paglago tulad ng mga eksport at remitans ay bigo rin. Kailangang ang pokus ay sa paglikha ng local na pundasyong pang-ekonomya upang magtamo ng netong benepisyo mula sa internasyunal na pangangalakal at pamumuhunan.

Ang kagyat na hamong pampulitika naman ay ang mahinto na ang pinakamasasamang kontra-demokratiko at kontra-nasyunalistang tunguhin ng gubyerno ng Pilipinas. Kontrobersyal na ginamit ng administrasyong Arroyo at mga alyado nito ang mga kapangyarihan ng gubyerno para sa malawakang pandarayang electoral at upang makatabo ng di-bilang na puu-puong-bilyong piso bilang kickback, kabayaran at nakaw na yaman. Umani ng pandaigdigang pagkundena ang brutal at sistematikong paggamit sa military, pulis at korte sa pagtugis sa mga grupong Kaliwa at progresibo. Higit kailanman, lalong nadawit ang Pilipinas – isa sa pinakamalaking bansa sa mundo (pang-13 sa populasyon) – sa geopolitical na adyenda ng Estados Unidos (US) kabilang na ang pagiging mas bukas sa higit pang interbensyong militar.

Ang ibayong pagkasira sa mga pulitikal na institusyon ng bansa ay kinakailangang maayos. Ang mahabang proseso para rito ay makapagsisimula lamang unang-una kung mayroong pagpapanagot para sa mataas na antas ng korapsyon gayundin sa malawakang paglabag sa mga karapatang-tao sa proseso ng programang kontra-insurhensya ng gubyernong Oplan Bantay Laya (OBL) I at II. Ang kawalang-kaparusahan ay matatapos lamang kung, bukod sa retorika, ay may tunay na pagpapanagot.

Ang kumisyon ang imbestigahan si Pang. Gloria Macapagal-Arroyo na inianunsyo ng nangunguna sa paligsahan sa pagkapangulo na si Aquino habang nangangampanya ay maituturing na umpisa kahit na may mga pangamba na mamaniobrahan ito ng mga alyado ni Arroyo sa upisina ng Ombudsman at sa Korte Suprema. Subalit mahalaga ring masunggaban ang mga internasyunal na grupong hudisyal gaya ng International Criminal Court (ICC) na itinatag ng United Nations (UN) upang litisin ang mga krimen sa digma gayong ang mga local na korte ay nag-aatubili o walang kakayahang gawin ito.

Nasagkaan ng patakarang panlabas na kiling sa mga dayuhang kapangyarihan, laluna sa US, ang demokratikong panggugubyerno sa pinakamahusay na interes ng mamamayan. Ito’y kabaligtaran ng pagtangging makipagharap sa mga armadong grupo sa bansa sa isang prinsipyadong paraan. Makakabuti nang husto para sa pampulitikang kundisyon para sa lokal na pag-unlad ang kagyat na paggiit ng pambansang soberanya sa US gayundin ang paggamit sa mga usapang pangkapayapaan upang tanganin ang mga makabuluhang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitikang reporma na humaharap sa mga ugat ng armadong tunggalian.

Mga inisyal na solusyon
Ang bagong administrasyon ay ipoproklama pa subalit nasa pinakamahusay na interes ng mamamayan ang lumikha at maggiit, sa lalong madaling panahon, ng mga kongkretong hakbang tungo sa tunay na pagbabago, pag-unlad, pagtiwasay at pagsasarili. Ang ‘repormistang’ reputasyon ng administrasyong Aquino ay nakasalalay sa kung gaano kalayo nito kakayaning baligtarin ang mga bigong patakaran ng mga nakaraang administrasyon kabilang ng papaalis na administrasyong Arroyo.

May mga resultang patakarang kagyat na maaabot o maaari nang umpisahan sa unang 100 na araw ng bagong administrasyon na maaaaring maging unang mga hakbang tungo sa tunay na reporma sa bansa:
1.    Baguhin ang VAT Reform Law (RA 9377).
2.    Baguhin ang awtomatikong paglalaan para sa bayad-utang sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Section 31 ng PD 1177 na nagtutulak nito, at gayundin sa pag-amyenda ng Section 26, Chapter 4, Book VI ng EO 292 (Administrative Code of 1987) na nag-uulit sa mismong nilalaman ng Section 31 ng PD 1177.
3.    Tiyakin ang badyet ng di bababa sa P281 bilyon para sa edukasyon, P39 bilyon para sa kalusugan at P13 bilyon para sa pabahay sa 2011 pambansang badyet ng gubyerno upang ibalik ang panlipunang serbisyo sa kani-kanilang pinakahuling taunang rurok ng paggastos sa edukasyon kada batang nag-aaral (1998), paggastos sa kalusugan kada tao (1997), at paggastos sa pabahay kada tao (2000).
4.    Isuspinde at repasuhin ang Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA) at ang kasalukuyang negosasyon sa European Union (EU) sa Partnership Cooperation Agreement (PCA).
5.    Tipunin ang may iba’t ibang interes na pagrerepaso sa estratehiya ng pakikipagnegosasyon ng gubyerno at ng mga kasunduang inaprubahan sa mga usapan bilang bahagi ng ASEAN (hal., Japan, China, Korea, Australia-New Zealand, India, EU, US at ang ASEAN Trade in Goods Agreement).
6.    Tipunin ang may iba’t ibang interes na pagrerepaso upang kilalanin ang mga local na produkto na maaaring bigyan ng dagdag na proteksyong taripa, sa umpisa hanggang sa simpleng abereyds na bound tariff na pinapayagan ngayon sa ilalim ng patakaran ng WTO na 25.8% (mula sa simpleng abereyds ng ginagamit na taripa na 7.1% lamang).
7.    Kanselahin ang iskemang stock distribution option (SDO) sa Hacienda Luisita at ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka
8.    Ipatupad ang kagyat na across-the-board pambansang pagtaas sa sahod na P125.
9.    Imbestigahan at papanagutin ang kahahalal-na-Kongresistang si Gloria Macapagal-Arroyo para sa pandaraya sa eleksyon at sari-saring iskandalong korupsyon sa ilalim ng kanyang administrasyon na kinasangkutan niya, ng kanyang pamilya at mga alyado.
10.Ihapag ang 1998 Rome Treaty of the International Criminal Court (ICC) sa Senado ng Pilipinas para sa ratipikasyon.
11.Isuspinde at repasuhin ang Visiting Forces Agreement (VFA) kasama ang US at, samantala, paalisin ang lahat ng tropang militar ng US sa bansa at itigil ang lahat ng nagaganap o planadong operasyon, treyning, ehersisyo, proyekto at iba pang aktibidad na kinasasangkutan ng mga pwersang US.
12.Kagyat na pagpanumbalik sa pormal na usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippins (NDFP) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ito ang mga  kinakailangang pansimulang susing elemento tungo sa progresibong pagbubuwis, makatuwirang pagbabayad-utang, higit na responsibilidad ng gubyerno sa mahahalagang serbisyong panlipunan, tunay na repormang agraryo, pagwaksi sa walang-saysay na patakaran ng globalisasyon, pag-aayos sa paninira sa mga pampulitikang institusyon ng bansa, pagbigay-tulak sa proseso ng demokratisasyon, at pagharap sa mga ugat ng armadong tunggalian sa kahirapan at kawalan ng pag-unlad.

Anumang bagong administrasyon na naglalayong maging ‘repormista’ ay kailangang bumuno sa mahahalagang realidad: industriya at agrikulturang lubos na pinahina; naipong mga batas at patakarang pang-ekonomya; isang matigas na burukrasyang kinumplika pa ng mga presyur ng pulitikal na pagbabayad-utang pagkalipas ng eleksyon; at makasariling magkakalubid na pampulitika at pangnegosyong interes (kahit sa sarili nitong hanay). Patuloy na umuunlad ang mga demokratikong prosesonglokal at naghahari pa rin ang iilang makapangyarihan. Sa particular ang administrasyong Aquino ay nahaharap sa kontra-maniobra ng mga kampong Arroyo, Estrada at Villar na may kani-kanyang base sa Senado, Kongreso at mga local na gubyerno.

Sa gitna ng mga pagsubok na ito, lalong nagiging mahalaga ang kagyat na pagpapakita ng malakas na hudyat ng tunay na reporma at mag-establisa ng makabuluhang momentum sa hanay ng mga tunay n a pwersa ng pagbabago sa bansa. Sa kasalukuyang kundisyon ang pinakamahalagang estratehiya sa pag-abot ng inisyal na mga resultang patakarang ito ay ang pagsandig sa lakas ng mga progresibong pwersa sa loob at labas ng gubyerno – sila ang tunay na pinagmumulan ng tulak para sa pagpapatupad at ang pangunahing pwersa na susuporta sa mga unang hakbang na ito tungo sa reporma. – Lathalaing IBON.

Si Mr. Sonny Africa ay ang research head ng IBON Foundation, isang nagsasariling institusyon sa pag-unlad na itinatag noong 1978. Nagsasagawa ito ng pananaliksik, edukasyon, mga publikasyon, gawaing impormasyon at suportang pantaguyod tungkol sa mga isyung sosyo-ekonomiko.

« SINO BA AKO, ANG WIKA NI HESUS »

Sino nga ba si Hesus? Ano nga ba ang kanyang tunay na misyon at pagkatao? Mayroon ba sa atin ang higit na nakakilala sa kanya. Batid po nating lahat na sa kasalukuyan iilan lamang ang nakakilala sa tunay at malalim na pagkatao ng Hesus na ating ginigawang inspirasyon sa ating paglilingkod. Karamihan sa atin ay nanatiling mamang at nakabilanggo sa takot na siya’y kilalanin, sapagkat hindi ito ganun kadali – nangangailangan ito ng lakas ng loob at matibay na pananampalataya.

Si Hesus: isang simpleng karpentero na nabuhay mahigit dalawang libo taon na ang lumipas. Galing sa salat at simpleng pamilya at namuhay ng payak sa nayon ng Nazareth. Wala siyang ibang ninais kun’di bigyang saya at abot langit na kasiyahan ang kanyang ama at ina sa pamamagitan ng pagiging mabait, matulungin, at mapagmahal anak. Subalit, pagkalipas ng tatlong pong taon, biglang nag-iba ang Hesus na ating nakikilala. Hindi lang siya basta naging isang karpentero, masunurin at mapagmahal mahal na anak. Si Hesus ay naging tanyag ka kanyang paglilibot sa Galilea, Capernaum, at iba pang mga lugar. Nagigilalas ang lahat sa kaalaman na kanyang pinamalas, sa kanyang mapagmelagrong salita at mga kamay, sa kanyang tapang at lakas loob na usisahin at tanungin ang kridibilidad ang mga nakakataas sa lipunan. Kaya nama’y siya ay binansagan bilang isang rebolusyonaryo, kriminal, sinungaling, mandarambong, hindi marunong sumunod sa batas, mayabang, matigas ang ulo, tagapagligtas, mesiyas, at anak ng Dios.

Ngunit siya’y sinawimpalad, inusig, pinagpasakit, inpinahiya, ipinako, at namatay sa krus. Matapos ibuwis ang sariling buhay sa bundok ng mga bungo, sino na ba si Hesus sa kasalukuyan at sa darating pang mga panahon? Paano natin bubuhayin ang kanyang mga gawain: kabutihan; pagpakain sa nagugutom, paglilingkod sa mga mahihirap, pagbibigay liwanag sa hindi nakakita, pagtatanggol sa mga karapatang pantao, at walang takot sa pag-uusisa sa mga may kapangyarihan upang ipaglaban ang yinuyurakan ang dignidad ng karamihan. Sa mapanupil na lipunan, sino pa kaya ang maglalakas loob upang ipagpapatuloy ang pagpapastol sa mga nanawala ng landas, nawawala sa lipunan, mga bilanggong halos wala ng ulirat dahil sa tindi ng pasakit na dinadanas, mga pamilya labis-labis ang paghihinagpis – kuyom kuyom ang pait at galit sa kanilang mga dibdib. Mayroon pa kayang paraan, upang ating muling masilayan ang tunay na Hesus? Sino kaya sa ating ang kayang isikmura at subukan isuot ang sapatos ni Pedro na nag-sabi “Ikaw ang Mesiyas, ang tagapagligtas” Sino ba ako, sabi ni Hesus? Ano kaya ang iyong magiging kasagutan?

Sadyang mayroon pang pag-asa upang si Hesus ay ating lubos na makikilala? Paano kaya? Isaias Drummond Manano, pinatay noong Abril 28, 2004. Pangkalahatang Sekretarya ng Anakpawis-Mindoro Oriental – walang awing piñata dahil sa pagtatangol ng karapatan ng mga maralitang mambubukid at taga-lungsod. Joel Baclao 40 taong gulang, isang mapagmahal na ama sa kanyang dalawang anak at maybahay, isang masugid at masipag na manggawa ng Dios.walang awang pinagbabaril sa harapan ng kanilang tahanan sa Lacag, Daraga, Albay noong Nobyembre 10, 2005. Rev. Edison Lapuz, 38 taong gulang, piñata noong May 12, 2005. Siya ay naging bahagi ng isang grupo ng walang ninais kundi ipaglaban ang karapatan ng mga mahihirap and walang-wala sa lipunan. Mga magulang nila Sherly Cadapan, Karen Empeño, at Jonas Burgos – mga magulang na hanggang ngayo’y umaasa na buhay pa ang kanilang mga anak. Ang kanilang sabi’y Kahit isauli nyo ang malamig na bangkay o pirapirasong buto ng aming mga anak. Ni walang balak maghigante, ni walang balak manakit, at pumutay para masilayang muli ang mukha ng kanilang mga anak. Fr. Cecilio Lucero, isang romano katolikong pari at tapat na alagad ng Dios ng sa parokya ng San Jose, Manggagawa ng Catubig, Samar in katimogan Bisayas. Ang kanyang buhay at bokasyon ay sumasalamin ng kanyang wakas na hangarin na sumunod sa mga yapak ni Hesus. Sinusulong niya at sinuportahan ang karapatang pantao, kapayapaan sa bawat tahanan Kahit gulanit na pamayanan. Pinamunuan niya ang Karapatan ng Catarma,  naging metsa ng kanyang kamatayan. Iilan lamang sila so mahigit walong daan at walumpot limang biktima ng pagpatay sa ating bansa sa regimeng Arroyo at sa kasalukuyan mayroon na tayong apatnaput walong biktima ng pagpatay sa regimeng Aquino.


Sino nga ba si Hesus? Mga kapatid sila ang mga bagong mukha ni Hesus sa makabagong panahon. Batid nating lahat ang pasakit at kahirapan na kanilang niyakap para magkaroon ng malinaw na mukha ang Dios/Hesus na ating sinusundan. Ang hamon sa atin ngayon, handa ba tayong gawin at ipagpapatuloy ang kanilang nasimulan? Handa ba tayong maging katulad ni Hesus sa makabagong Lipunan. Sadyang hindi madali ang buhay na ating pinasok at niyakap, kaakibat nito’y matitinding pagsubok sa ating bokasyon, pagkatao, dignidad, at pananampataya. Naway makiisa tayo sa alingaw-ngaw at sigaw ng pag-asa, katarungan, at karapatan pantao. Upang sa panahong tayo’y tanungin ni Hesus, “Sino ba ako”, wala tayong ibang maging kasagutan kundi ang mga katagang ito, “Ako’y sumasalamin sa iyo Panginoon, tinawag mo ako upang maging konkretong halimbawa sa mundo ng mga mahihirap, inaapi, at gula-gulanit na lipunan na iyong binuhay sa pamamagitan ng iyong wakas at tunay na pagmamahal.” Hari nawa’y tayo’y maging liwanag sa mga nabubulag sa ating lipunan. Maging lakas sa mga nanghihina at nawalan ng pag-asa. Maging tapat na tapaglingkod ni Hesus na ating dala-dala ang pangalan habang tayo’y nagpapatuloy na paglalayag bilang mga bagong minsyonero sa kasalukuyang panahon. Nawa’y ang buhay ng mga inaapi, mga mahihirapan, mga walang boses, ang bulag, at mga inaalipusta sa ay patuloy nating maging lakas, inspirasyon, at konkretong mukha ng Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

- dugong makabayan


Huwebes, Agosto 25, 2011

Kapirasong Kritika (Mga Kritika ni Teo S. Marasigan)

Hindi mahirap hulaan ang mga magiging laman o sangkap ng darating na State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Noynoy Aquino sa Hulyo 25.

Una, sa una niyang SONA, ipinakita ni Noynoy na wala siyang pagkakaiba kay Gloria Macapagal-Arroyo: gagamitin ang SONA para sagad na paglingkurin ito sa interes ng rehimen at ng mga amo nitong malalaking kapitalista at haciendero.

Ikalawa, palibhasa’y may inaalagaan at pinapalaganap siyang ilusyon tungkol sa rehimen niya, walang humpay na nagtalumpati nitong nakaraan si Noynoy – at sa pag-uulit-ulit ay ipinakita na kung anu-ano ang bubuo sa SONA niya.

Anu-ano ang mga ito?
(1) Pagbunton ng sisi sa rehimen ni Gloria para sa lahat ng problema ng bansa. Para maging patok sa balita, tiyak na lalagyan ang talumpati ng panibagong pagbuking sa kung anomalyang natuklasan – na naman – na gawa ni Gloria. Eksaherado: “Alam po ninyo, natuklasan natin na ang pinalitan nating pangulo ay may kinalaman din sa pagpaslang sa aking ama at pagkakaroon ng sakit ng aking ina.” Mga ganyang pasabog.

(2) Pagyayabang hinggil sa “mga nagawa.” Pinakamayor dito, tiyak, ang pagkakamit ng gobyerno ng tiwala ng mga mamumuhunan. Pabobonggahin ito sa pagsasabing ito ang magbibigay ng trabaho, at disenteng trabaho pa nga, sa mga mamamayan. Pero hindi masyadong magtatagal dito, dahil mahirap itagong nakasalalay ang ganitong tiwala sa pagbarat sa sahod, pagpapalaganap ng kontraktwalisasyon at pagsupil sa mga karapatan.

(3) Pagyayabang hinggil sa paglaban sa korupsyon. Dito uugatin ang pagbabalik umano ng tiwala ng mga mamumuhunan. Ito ang papatampukin, para hindi mahalatang walang nagawa para sa mahihirap. Papaasahin ang mga mamamayan na mapapanagot na, sa wakas, si Gloria. Mahilig ang mga tagasulat ng talumpati ni Noynoy sa isinalin na idyomatikong ekspresyong Ingles: “Nasa hangin na ang katarungan,” sasabihin niya.

(4) Pagbibigay ng mga maka-maralitang pangako kasabay ng pagtutulak ng mga kontra-maralitang patakaran. “Gusto natin ng pagkain sa bawat mesa, tahanan para sa lahat ng pamilya. Makakamit natin iyan kung may disenteng trabaho ang lahat. At mangyayari iyan kung dadagsa ang mga mamumuhunan. Kaya kailangan po nating palayasin ang mga iskwater at baratin ang sahod. Para rin po sa kapakanan natin ang lahat ng ito.”

(5) Pagsagot sa mga kritiko. Mas paawa-effect ang gagawin, kaysa todo-banat. May malasakit siya sa mahihirap. “Naiiyak nga po ako kapag may nagtitinda ng sampaguita na kumakatok sa bintana ng Porsche ko.” Masipag siya sa trabaho. “Pasalamat nga po kayo at tumakbo pa ako. Kung hindi lang po naging ambisyoso ang mga kaibigan ko noong namatay ang nanay ko, siguro, puro larong kompyuter ang inaatupag ko ngayon.”

(6) Pagtuligsa sa mga kritiko. Palalabasin silang sagabal sa pag-unlad. “Hindi po tayo makakausad sa tuwid na daan hangga’t hindi natin sinasagasaan itong mga nagpoprotesta sa ating harapan.” Palalabasin silang alipores ni Gloria. “Iyun pong mga pinagpapatay ng pinalitan natin at ang pinalitan natin, nagsasanib na para idiskaril ang pagtahak natin sa daang matuwid.” Kahit pa hindi naman niya mapanagot si Gloria.

(7) Pagpapalaganap ng retorika ng optimismo. Isang aral sa mga SONA ni Gloria: Mas madaling mangako kaysa mag-ulat ng magandang nagawa. Kaya tiyak, uulan ng retorika ng optimismo sa SONA ni Noynoy. Para na namang tumira ng kung anong droga ang mga nagsulat nito. “Marami na po tayong nagawa. Pero nagsisimula pa lang po tayo. Marami pa ang darating. Lumalapit na po tayo sa katuparan ng ating mga pangarap.”

(8) Pagtahimik sa mga kontrobersyal na isyu. Mas malamang, hindi babanggitin ni Noynoy ang Hacienda Luisita at tunay na reporma sa lupa. Ano nga naman ang masasabi niya? “Pinangakuan ko na nga kayo na ipapamahagi ko ang kalupaan ng Luisita pagdating ng 2014. Ang gusto pa ninyo, tuparin ko ang pangako ko? Ano kayo sinuswerte?” Hindi rin kasi uubrang maghugas-kamay pa siya sa atas ng Korte Suprema.
Sa sobrang sipsip ng mga kongresista’t senador, tiyak na papalakpakan nila kahit gasgas na ang sasabihin ni Noynoy. Tuwang-tuwa naman ang mga nagsulat ng SONA. Ang pangarap ko lang, sana lang, kapag may sinabi si Noynoy na katulad ng mga nabanggit, imbes na magpalakpakan ang mga kongresista at senador, unti-unti, hanay-hanay silang biglang tamaan ng diarrhea. Hanggang magkagulo ang buong Batasang Pambansa.

Sisikat at lulubog ang araw, at parang batas ng kalikasan ang iba pang aspekto ng taunang balita at reaksyon sa SONA. Tiyak, may seksyon ng balita sa gabi tungkol sa fashion statement na gagawin ng mga kongresista at senador. Tiyak, magkukumahog ang mga komentaristang maka-Noynoy sa pagpuri sa talumpati: “Marami pa ang pwedeng paunlarin pero mas okey na ito kaysa sa mga narinig natin kay Gloria.”
Wala nang bagong mapapakinggan sa SONA. Pero marami tayong dapat iprotesta.

Miyerkules, Agosto 24, 2011

GINOONG PRESIDENTE

Hindi   naman problema ang napapanot mong buhok
Maging ang paninigarilyo mong nakakadalok
O ang pagiging matandang binata  at ang lakad mong baliko
Ang iba ay nagagalit dahil daw kasi ikaw daw ay  “retarded”
Kapos sa kakayanan at kulang sa pag-iisip

Hindi iyan ang pinag-uugatan ng problema ng bayan
At kung buhok ang pamantayan  ng pamumuno
Sana ay tumino na ang  bayan sa nakaraang pekeng pangulo
Lahat ng naging presidente pawang may mga asawa at anak
Pero talamak  din sa pagiging gamahan at kung magnakaw ay sandamakmak

Hindi rin sa pagiging  “abnoy”   
Kung laitin ka ng iba at  sa ‘yo ay galit na galit
Intindihin mo na lang ang damadaming nilang nag-ngungumingitngit
Kung tutuusin mali na ikaw ay laitin din ng ganoon na lamang
Pagkat masasaktan  ang mga taong  may’rong kapansanan.

Ang problema sa iyo Mr. President  ay tagapamandila ka ng interes ng naghaharing-uri
Masunurin at maaamong tupa sa imperyong naghahari  
Habang ang mamamayan ay lugmok sa  gutom at sariling bayan ay busabos  
Manggagawa at magsasaka, maralitang tagalunsod, buhay ay kalunos-lunos.

Repormang agraryo  di makakayaning harapin ,
Hacienda Luisita  di mo kayang ipamahagi
Kahit maka-ilang-ulit  na ipaalala na di nyo ito pag-aari,
Lupain  ng magsasaka’y  dinambong lang ng  iyong kauri.

Manggawang-bukid ang   nagbungkal ng lupa , nag-ani, nagpagal,
At sa tubo naman ang  angkan mo ang nagkamal
Sabi pa nga ng sister mo, “ they are pretty spoiled.”
Paano mo reresolbahin ang panawagang katarungang panlipunan
Di mo maikubli  na kinatawan ka ng mga naghahari-harian.

Alalahanin mo ring ang inaaping  anak-pawis
Buhay ng kanilang mga anak sa lupa ay nagbuwis
Silang naulila, nawalan ng asawa
Sa gitna ng kagutuman, puso pa rin ay nagluluksa.  

Alalahanin mo at kahit di mo pa nais intindihin
Matalas ang isip ng magsasakang  inaapi ng inyong uri
Kwentatdo nila ang kinulimbat ninyong  pag-ari
Maaari sa ngayon batas at hustisya sa inyo  ay kumakampi
May araw ding sing-talas ng gulok ang pagbulalas  ng pagtitimpi
Tamis ng tubo sila na ang aani! 

-ate nong

BABAE

Ang babae ay di isang putahe o  ulam
Pandagdag lasa at pang terno sa kanin
O isang  matamis na panghimagas
Na  sa hapag kainan ng kalibugan
Ay pinagpipistahang  ihahain
Ang babae ay di isang  alak
Lalagukin pampalipas oras

 O kaya’y pulutang chicharong bulaklak
Appetizer , o pampagana sa magdamag
Ang babae ay di  laruan
Na matapos maluma o magutay
Itatapon sa tambak na basurahan
Sinumang makapulot ay gagawing kalakal
  
Ang babae ay d ilang katawan
Pampuno sa kapos na kaisipan
Panapal sa pagtupad ng pangarap
O dekorasyon sa eskaparate ng tagumpay

Kung may humugis at umukit man kasayasayan
Likha ito ng  nakikibakang mamamayan
Kabilang ang kababaihan
Sa umpisa pa lang ay di lamang katuwang
Kundi isang pwersang-lakas na magbabago ng lipunan.
-ate nong

BITUING GABAY SA LANGIT

Isang gabi ng Abril , nagtext si DiwangMalaya…maganda daw ang buwan…tumanaw ako sa labas, ngunit di ko nasilyana ang kanyang sang nasisislayan….ang mayroon ay mga bituwing malayang isinabog sa kalangitang madilim….ningning nila’y  batid ko ay di kalian man magwawakas…… 
Mga bituing gabay sa langit
Ng mga naglalakabay sa gabing marikit
Aliwin yaong mga pagod ang bisig
Nang ang kariktan ng kutitap ay mamalas ng may   ngiti
Sa mga labi ng mga nag-aabang ng lbukang-liwayway
Mapanganib ang paglalakbay  sa gabi
Bawat hakbang at kilos ay may dapat ipagwagi
Sa tagaktak ng pawis sa gabing tahimik
Maaaring  dugong didilig ang magiging kapalit
Na magdidilig sa pangarap at pag-asa
Sa pag-usbong ng  bagong punla
O bituing nagririkitan sa luksa ng gabi
Ipaabot mo ang taos-kamaong pagpugay
Sa kanila na ang iyong liwanag ay gabay
Kung sa pagsapit ng  bukang liwayway
Ang ilan ay mabuwal
At di masilayan ang pag-usbong ng gintong palay
Hayaang sa pusod ng kalangitan sila’y magningning
Upang sa mga magnlalakbay laging na silang  kapiling
Hanggang ang bukang-liwayway ng paglaya
Ay aming sapitin!
O mga Bituin sa langit kung ito man ay dalangin
O simpleng  adhikain
Ituring nyo  na lang na ito’y kahilingan
 - ate nong