Huwebes, Agosto 25, 2011

Kapirasong Kritika (Mga Kritika ni Teo S. Marasigan)

Hindi mahirap hulaan ang mga magiging laman o sangkap ng darating na State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Noynoy Aquino sa Hulyo 25.

Una, sa una niyang SONA, ipinakita ni Noynoy na wala siyang pagkakaiba kay Gloria Macapagal-Arroyo: gagamitin ang SONA para sagad na paglingkurin ito sa interes ng rehimen at ng mga amo nitong malalaking kapitalista at haciendero.

Ikalawa, palibhasa’y may inaalagaan at pinapalaganap siyang ilusyon tungkol sa rehimen niya, walang humpay na nagtalumpati nitong nakaraan si Noynoy – at sa pag-uulit-ulit ay ipinakita na kung anu-ano ang bubuo sa SONA niya.

Anu-ano ang mga ito?
(1) Pagbunton ng sisi sa rehimen ni Gloria para sa lahat ng problema ng bansa. Para maging patok sa balita, tiyak na lalagyan ang talumpati ng panibagong pagbuking sa kung anomalyang natuklasan – na naman – na gawa ni Gloria. Eksaherado: “Alam po ninyo, natuklasan natin na ang pinalitan nating pangulo ay may kinalaman din sa pagpaslang sa aking ama at pagkakaroon ng sakit ng aking ina.” Mga ganyang pasabog.

(2) Pagyayabang hinggil sa “mga nagawa.” Pinakamayor dito, tiyak, ang pagkakamit ng gobyerno ng tiwala ng mga mamumuhunan. Pabobonggahin ito sa pagsasabing ito ang magbibigay ng trabaho, at disenteng trabaho pa nga, sa mga mamamayan. Pero hindi masyadong magtatagal dito, dahil mahirap itagong nakasalalay ang ganitong tiwala sa pagbarat sa sahod, pagpapalaganap ng kontraktwalisasyon at pagsupil sa mga karapatan.

(3) Pagyayabang hinggil sa paglaban sa korupsyon. Dito uugatin ang pagbabalik umano ng tiwala ng mga mamumuhunan. Ito ang papatampukin, para hindi mahalatang walang nagawa para sa mahihirap. Papaasahin ang mga mamamayan na mapapanagot na, sa wakas, si Gloria. Mahilig ang mga tagasulat ng talumpati ni Noynoy sa isinalin na idyomatikong ekspresyong Ingles: “Nasa hangin na ang katarungan,” sasabihin niya.

(4) Pagbibigay ng mga maka-maralitang pangako kasabay ng pagtutulak ng mga kontra-maralitang patakaran. “Gusto natin ng pagkain sa bawat mesa, tahanan para sa lahat ng pamilya. Makakamit natin iyan kung may disenteng trabaho ang lahat. At mangyayari iyan kung dadagsa ang mga mamumuhunan. Kaya kailangan po nating palayasin ang mga iskwater at baratin ang sahod. Para rin po sa kapakanan natin ang lahat ng ito.”

(5) Pagsagot sa mga kritiko. Mas paawa-effect ang gagawin, kaysa todo-banat. May malasakit siya sa mahihirap. “Naiiyak nga po ako kapag may nagtitinda ng sampaguita na kumakatok sa bintana ng Porsche ko.” Masipag siya sa trabaho. “Pasalamat nga po kayo at tumakbo pa ako. Kung hindi lang po naging ambisyoso ang mga kaibigan ko noong namatay ang nanay ko, siguro, puro larong kompyuter ang inaatupag ko ngayon.”

(6) Pagtuligsa sa mga kritiko. Palalabasin silang sagabal sa pag-unlad. “Hindi po tayo makakausad sa tuwid na daan hangga’t hindi natin sinasagasaan itong mga nagpoprotesta sa ating harapan.” Palalabasin silang alipores ni Gloria. “Iyun pong mga pinagpapatay ng pinalitan natin at ang pinalitan natin, nagsasanib na para idiskaril ang pagtahak natin sa daang matuwid.” Kahit pa hindi naman niya mapanagot si Gloria.

(7) Pagpapalaganap ng retorika ng optimismo. Isang aral sa mga SONA ni Gloria: Mas madaling mangako kaysa mag-ulat ng magandang nagawa. Kaya tiyak, uulan ng retorika ng optimismo sa SONA ni Noynoy. Para na namang tumira ng kung anong droga ang mga nagsulat nito. “Marami na po tayong nagawa. Pero nagsisimula pa lang po tayo. Marami pa ang darating. Lumalapit na po tayo sa katuparan ng ating mga pangarap.”

(8) Pagtahimik sa mga kontrobersyal na isyu. Mas malamang, hindi babanggitin ni Noynoy ang Hacienda Luisita at tunay na reporma sa lupa. Ano nga naman ang masasabi niya? “Pinangakuan ko na nga kayo na ipapamahagi ko ang kalupaan ng Luisita pagdating ng 2014. Ang gusto pa ninyo, tuparin ko ang pangako ko? Ano kayo sinuswerte?” Hindi rin kasi uubrang maghugas-kamay pa siya sa atas ng Korte Suprema.
Sa sobrang sipsip ng mga kongresista’t senador, tiyak na papalakpakan nila kahit gasgas na ang sasabihin ni Noynoy. Tuwang-tuwa naman ang mga nagsulat ng SONA. Ang pangarap ko lang, sana lang, kapag may sinabi si Noynoy na katulad ng mga nabanggit, imbes na magpalakpakan ang mga kongresista at senador, unti-unti, hanay-hanay silang biglang tamaan ng diarrhea. Hanggang magkagulo ang buong Batasang Pambansa.

Sisikat at lulubog ang araw, at parang batas ng kalikasan ang iba pang aspekto ng taunang balita at reaksyon sa SONA. Tiyak, may seksyon ng balita sa gabi tungkol sa fashion statement na gagawin ng mga kongresista at senador. Tiyak, magkukumahog ang mga komentaristang maka-Noynoy sa pagpuri sa talumpati: “Marami pa ang pwedeng paunlarin pero mas okey na ito kaysa sa mga narinig natin kay Gloria.”
Wala nang bagong mapapakinggan sa SONA. Pero marami tayong dapat iprotesta.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento