Miyerkules, Agosto 24, 2011

GINOONG PRESIDENTE

Hindi   naman problema ang napapanot mong buhok
Maging ang paninigarilyo mong nakakadalok
O ang pagiging matandang binata  at ang lakad mong baliko
Ang iba ay nagagalit dahil daw kasi ikaw daw ay  “retarded”
Kapos sa kakayanan at kulang sa pag-iisip

Hindi iyan ang pinag-uugatan ng problema ng bayan
At kung buhok ang pamantayan  ng pamumuno
Sana ay tumino na ang  bayan sa nakaraang pekeng pangulo
Lahat ng naging presidente pawang may mga asawa at anak
Pero talamak  din sa pagiging gamahan at kung magnakaw ay sandamakmak

Hindi rin sa pagiging  “abnoy”   
Kung laitin ka ng iba at  sa ‘yo ay galit na galit
Intindihin mo na lang ang damadaming nilang nag-ngungumingitngit
Kung tutuusin mali na ikaw ay laitin din ng ganoon na lamang
Pagkat masasaktan  ang mga taong  may’rong kapansanan.

Ang problema sa iyo Mr. President  ay tagapamandila ka ng interes ng naghaharing-uri
Masunurin at maaamong tupa sa imperyong naghahari  
Habang ang mamamayan ay lugmok sa  gutom at sariling bayan ay busabos  
Manggagawa at magsasaka, maralitang tagalunsod, buhay ay kalunos-lunos.

Repormang agraryo  di makakayaning harapin ,
Hacienda Luisita  di mo kayang ipamahagi
Kahit maka-ilang-ulit  na ipaalala na di nyo ito pag-aari,
Lupain  ng magsasaka’y  dinambong lang ng  iyong kauri.

Manggawang-bukid ang   nagbungkal ng lupa , nag-ani, nagpagal,
At sa tubo naman ang  angkan mo ang nagkamal
Sabi pa nga ng sister mo, “ they are pretty spoiled.”
Paano mo reresolbahin ang panawagang katarungang panlipunan
Di mo maikubli  na kinatawan ka ng mga naghahari-harian.

Alalahanin mo ring ang inaaping  anak-pawis
Buhay ng kanilang mga anak sa lupa ay nagbuwis
Silang naulila, nawalan ng asawa
Sa gitna ng kagutuman, puso pa rin ay nagluluksa.  

Alalahanin mo at kahit di mo pa nais intindihin
Matalas ang isip ng magsasakang  inaapi ng inyong uri
Kwentatdo nila ang kinulimbat ninyong  pag-ari
Maaari sa ngayon batas at hustisya sa inyo  ay kumakampi
May araw ding sing-talas ng gulok ang pagbulalas  ng pagtitimpi
Tamis ng tubo sila na ang aani! 

-ate nong

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento