Biyernes, Agosto 26, 2011

« SINO BA AKO, ANG WIKA NI HESUS »

Sino nga ba si Hesus? Ano nga ba ang kanyang tunay na misyon at pagkatao? Mayroon ba sa atin ang higit na nakakilala sa kanya. Batid po nating lahat na sa kasalukuyan iilan lamang ang nakakilala sa tunay at malalim na pagkatao ng Hesus na ating ginigawang inspirasyon sa ating paglilingkod. Karamihan sa atin ay nanatiling mamang at nakabilanggo sa takot na siya’y kilalanin, sapagkat hindi ito ganun kadali – nangangailangan ito ng lakas ng loob at matibay na pananampalataya.

Si Hesus: isang simpleng karpentero na nabuhay mahigit dalawang libo taon na ang lumipas. Galing sa salat at simpleng pamilya at namuhay ng payak sa nayon ng Nazareth. Wala siyang ibang ninais kun’di bigyang saya at abot langit na kasiyahan ang kanyang ama at ina sa pamamagitan ng pagiging mabait, matulungin, at mapagmahal anak. Subalit, pagkalipas ng tatlong pong taon, biglang nag-iba ang Hesus na ating nakikilala. Hindi lang siya basta naging isang karpentero, masunurin at mapagmahal mahal na anak. Si Hesus ay naging tanyag ka kanyang paglilibot sa Galilea, Capernaum, at iba pang mga lugar. Nagigilalas ang lahat sa kaalaman na kanyang pinamalas, sa kanyang mapagmelagrong salita at mga kamay, sa kanyang tapang at lakas loob na usisahin at tanungin ang kridibilidad ang mga nakakataas sa lipunan. Kaya nama’y siya ay binansagan bilang isang rebolusyonaryo, kriminal, sinungaling, mandarambong, hindi marunong sumunod sa batas, mayabang, matigas ang ulo, tagapagligtas, mesiyas, at anak ng Dios.

Ngunit siya’y sinawimpalad, inusig, pinagpasakit, inpinahiya, ipinako, at namatay sa krus. Matapos ibuwis ang sariling buhay sa bundok ng mga bungo, sino na ba si Hesus sa kasalukuyan at sa darating pang mga panahon? Paano natin bubuhayin ang kanyang mga gawain: kabutihan; pagpakain sa nagugutom, paglilingkod sa mga mahihirap, pagbibigay liwanag sa hindi nakakita, pagtatanggol sa mga karapatang pantao, at walang takot sa pag-uusisa sa mga may kapangyarihan upang ipaglaban ang yinuyurakan ang dignidad ng karamihan. Sa mapanupil na lipunan, sino pa kaya ang maglalakas loob upang ipagpapatuloy ang pagpapastol sa mga nanawala ng landas, nawawala sa lipunan, mga bilanggong halos wala ng ulirat dahil sa tindi ng pasakit na dinadanas, mga pamilya labis-labis ang paghihinagpis – kuyom kuyom ang pait at galit sa kanilang mga dibdib. Mayroon pa kayang paraan, upang ating muling masilayan ang tunay na Hesus? Sino kaya sa ating ang kayang isikmura at subukan isuot ang sapatos ni Pedro na nag-sabi “Ikaw ang Mesiyas, ang tagapagligtas” Sino ba ako, sabi ni Hesus? Ano kaya ang iyong magiging kasagutan?

Sadyang mayroon pang pag-asa upang si Hesus ay ating lubos na makikilala? Paano kaya? Isaias Drummond Manano, pinatay noong Abril 28, 2004. Pangkalahatang Sekretarya ng Anakpawis-Mindoro Oriental – walang awing piñata dahil sa pagtatangol ng karapatan ng mga maralitang mambubukid at taga-lungsod. Joel Baclao 40 taong gulang, isang mapagmahal na ama sa kanyang dalawang anak at maybahay, isang masugid at masipag na manggawa ng Dios.walang awang pinagbabaril sa harapan ng kanilang tahanan sa Lacag, Daraga, Albay noong Nobyembre 10, 2005. Rev. Edison Lapuz, 38 taong gulang, piñata noong May 12, 2005. Siya ay naging bahagi ng isang grupo ng walang ninais kundi ipaglaban ang karapatan ng mga mahihirap and walang-wala sa lipunan. Mga magulang nila Sherly Cadapan, Karen Empeño, at Jonas Burgos – mga magulang na hanggang ngayo’y umaasa na buhay pa ang kanilang mga anak. Ang kanilang sabi’y Kahit isauli nyo ang malamig na bangkay o pirapirasong buto ng aming mga anak. Ni walang balak maghigante, ni walang balak manakit, at pumutay para masilayang muli ang mukha ng kanilang mga anak. Fr. Cecilio Lucero, isang romano katolikong pari at tapat na alagad ng Dios ng sa parokya ng San Jose, Manggagawa ng Catubig, Samar in katimogan Bisayas. Ang kanyang buhay at bokasyon ay sumasalamin ng kanyang wakas na hangarin na sumunod sa mga yapak ni Hesus. Sinusulong niya at sinuportahan ang karapatang pantao, kapayapaan sa bawat tahanan Kahit gulanit na pamayanan. Pinamunuan niya ang Karapatan ng Catarma,  naging metsa ng kanyang kamatayan. Iilan lamang sila so mahigit walong daan at walumpot limang biktima ng pagpatay sa ating bansa sa regimeng Arroyo at sa kasalukuyan mayroon na tayong apatnaput walong biktima ng pagpatay sa regimeng Aquino.


Sino nga ba si Hesus? Mga kapatid sila ang mga bagong mukha ni Hesus sa makabagong panahon. Batid nating lahat ang pasakit at kahirapan na kanilang niyakap para magkaroon ng malinaw na mukha ang Dios/Hesus na ating sinusundan. Ang hamon sa atin ngayon, handa ba tayong gawin at ipagpapatuloy ang kanilang nasimulan? Handa ba tayong maging katulad ni Hesus sa makabagong Lipunan. Sadyang hindi madali ang buhay na ating pinasok at niyakap, kaakibat nito’y matitinding pagsubok sa ating bokasyon, pagkatao, dignidad, at pananampataya. Naway makiisa tayo sa alingaw-ngaw at sigaw ng pag-asa, katarungan, at karapatan pantao. Upang sa panahong tayo’y tanungin ni Hesus, “Sino ba ako”, wala tayong ibang maging kasagutan kundi ang mga katagang ito, “Ako’y sumasalamin sa iyo Panginoon, tinawag mo ako upang maging konkretong halimbawa sa mundo ng mga mahihirap, inaapi, at gula-gulanit na lipunan na iyong binuhay sa pamamagitan ng iyong wakas at tunay na pagmamahal.” Hari nawa’y tayo’y maging liwanag sa mga nabubulag sa ating lipunan. Maging lakas sa mga nanghihina at nawalan ng pag-asa. Maging tapat na tapaglingkod ni Hesus na ating dala-dala ang pangalan habang tayo’y nagpapatuloy na paglalayag bilang mga bagong minsyonero sa kasalukuyang panahon. Nawa’y ang buhay ng mga inaapi, mga mahihirapan, mga walang boses, ang bulag, at mga inaalipusta sa ay patuloy nating maging lakas, inspirasyon, at konkretong mukha ng Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

- dugong makabayan


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento