Biyernes, Agosto 26, 2011

UNANG 100 ARAW: LAMPAS SA KONTRA-KORAPSYON, MGA TUNAY NA HAKBANG TUNGO SA REPORMA

Lampas sa kampanyang kontra-korapsyon o ‘matagumpay’ na eleksyon at mapayapang transisyon mula sa administrasyong Arroyo, ang tunay na pagsubok sa demokrasya sa bansa ay nakasalalay sa pagkilala sa mga tunay na problema at tamang kulumpon ng mga pamamaraan para bigyang-solusyon ang mga ito.
Ni Sonny Africa

Lathalaing IBON – May panahon ng optimismo sa bansa dahil sa relatibong ‘kapani-paniwalang’ resulta ng eleksyon, isang papasok na ‘lehitimong’ gubyerno, at isang diumano’y kontra-korapsyong administrasyong Aquino. Maaaring manatili ang pag-asa nang ilang panahon maliban kapag lumobo nang husto ang mga ulat tungkol sa mga iregularidad ng automated na eleksyon at ng mga tradisyunal na maniobrang pulitikal.
Subalit ang anumang posibilidad ng pagbabago ay nakasalalay sa pagkilala sa mga tunay na problema at sa tamang mga pamamaraang ginagamit para malutas o maharap ang mga ito. Higit sa kampanyang ‘kontra-korapsyon’ o ‘matagumpay’ na eleksyon at mapayapang transisyon mula sa administrasyong Arroyo, ito ang mga tunay na susubok sa demokrasyang pampulitika at pang-ekonomya sa bansa.

Ang papasok na administrasyon ay nahaharap sa napakatagal nang mga hamon na nagpanatiling dukha at paatras ng Pilipinas. Pinalala pa ang mga ito ng walang-patid na kawalang-estabilidad sa pandaigdigang ekonomya na dulot ng pandaigdigang krisis sa ekonomya na patuloy pang nagkakahugis.
Kung ang populistang linyang “Kung walang korap, walang mahirap” ay ginamit bilang balangkas ng pag-abot ng tunay na reporma sa bansa, nagkukulang ito. Ang kampanya laban sa korapsyon ay isang maliit na bahagi lamang ng komprehensibo at konkretong plataporma ng kinakailangang panggugubyerno na mapagpasyang kumakalas sa mga bigong pamamaraan ng nakaraan.

Napakarami ng at iba’t iba ang mga problema ng bansa kayat ginagawa nitong mapanganib ang paulit-ulit na retorikang kontra-korapsyon – na para bang ito ang pangunahing dahilan ng mga problema ng bansa. 

Labis na pagbibigay-diin sa korapsyon?
Di maikakailang mapanghimasok, napakatagal at umabot na sa pinakamatataas na antas ng gubyerno ang korapsyon. Totoo rin na sinasaid nito ang pampublikong rekurso at sa maraming paraan ay sumisira sa mainam na pangangasiwa sa ekonomya at binabansot ang produktibong aktibidad. Pero nang hindi minamaliit ang pangwawasak na sanhi ng korapsyon, mahalagang Makita ang mas malalim at mas malaking pangwawasak dulot ng mga patakaran ng ‘malayang pamilihan’ ng globalisasyon.
Sa kabila ng mga reklamo tungkol sa korapsyon at kahit sa ‘mabuway na pulitika’, patuloy pa ring matagumpay na ipinatupad ang mga patakaran ng globalisasyon nitong mga nakaraang dekada: pagtanggal ng kontrol sa kalakal at pamumuhunan, pribatisasyon ng mga pampublikong kagamitan at serbisyong panlipunan, deregulasyon ng ekonomya, at patuloy na pagbabayad-utang. Sabay-sabay nitong pinaguho ang local na manupaktura at agrikultura, nagsanhi ng walang-kapantay na disempleyo at papatinding kahirapan, at nagpwersa sa milyun-milyong Pilipino na mangibang-bansa.

Sadyang ang korapsyon ay ginagamit bilang pantabing upang itago ang kabiguan ng mga patakarang globalisasyon. Mula noong 1990s nang ang ebidensya ng pagkabigo ng mga repormang neoliberal ay nagsimulang magpatung-patong at ang pagiging lehitimo ng International Monetary Fund at World Bank ay kinukwestyon, inimbento at binenta ng mga neoliberal na tagasulong ang ideyang Post-Washington Consensus – na ang masamang panggugubyerno, at hindi ang mga patakarang ‘malayang pamilihan’, ang dapat sisihin sa tumitinding kahirapan at krisis sa mga atrasadong bansa na nagpatupad ng mga repormang neoliberal.

Ang pagbagsak ng ekonomya ay isinisisi sa korapsyon imbes sa kung papaano tinanggal ng mga patakaran ng ‘malayang pamilihan’ ang suporta ng gubyerno para sa mga local na manininda at hilaw silang isinabak sa dayuhang kompetisyon. Ang lumalalang serbisyong kalusugang pampubliko at edukasyon ay isinisisi sa korapsyon imbes na sa pribatisasyon sa gitna ng di-maawat-awat na pagbabayad-utang. Ang malamyang panggugubyerno ay isinisisi sa korapsyon imbes na sa di-demokratikong paghahari ng iilan sa mga prosesong pulitikal at sa paglikha ng mga patakarang pang-ekonomya. Naging madulas na palusot ang korapsyon upang pagtakpan ang mga seryosong sakit ng paglikha ng mga patakarang neoliberal.

Ang lumalalang disempleyo na sanhi ng globalisasyon ay nangangahulugan ng daan-daang-bilyong piso ng nalustay na potensyal na produkto kada taon dahil sa di-nagamit na lakas-bisig, bukod pa sa pagdurusa ng tao sanhi ng kawalang-trabaho. Nangangahulugan ang pribatisasyon at mga hakbang sa pagtitipid ng sandaang-bilyong-pisong bawas sa taunang paggastos sa kalusugan, edukasyon at pabahay. Samantala sa walang-tigil na pagbabayad-utang ang interes at bayad-prinsipal ay tuluy-tuloy na umaabot nang isang trilyong piso kada taon. Ang halagang nakaltas sa pampublikong pondo ng mga korap na upisyal ay di matatawaran – may ilang pagtantsa na umaabot ito sa US$2 bilyon kada taon – pero maliit pa rin ito kumpara sa mga panlipunang kawalan dahil sa globalisasyon.

Mahalaga rin ng papel ng mga patakarang liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon sa aktwal na pag-ambag sa malawakan at sistemikong korapsyon sa bansa. Ang pagsirit ng dayuhang kapital at produktong tulak ng ‘malayang pamilihan’ sa bansa ay lumikha ng maraming oportunidad para sa mga kumisyon, panunuhol at pamimirata ng mga pulitiko at burukrata habang ang mga mahahalagang mekanismo ng pampublikong kontrol, pag-usisa at pagbubukas ay inalis na o ginawang inutil.

Lumilihis sa mga batayang reporma na kailangan ng bansa ang sobrang pagbibigay-diin sa korapsyon bilang ugat ng panlipunan at pang-ekonomyang pagka-atrasado. Ikinukubli rin nito ang patuloy na pagpapatupad ng mga patakaran na di kinakailangan ng bansa. Kaiga-igaya ang pagiging bukas at may pananagutan sa paglikha at pagsasakatuparan ng mga patakaran – subalit ang kawalan ng mga makabuluhang patakaran para sa pambansang pag-unlad – at ang pamamayagpag ng mga nakikinabang sa mga makikitid na interes na iilan – ay may mas malalalang mapanirang epekto sa kapakanan ng mamamayan.

Ang problema
Ang pinakamasaklaw na mithiing pangkaunlaran ay ang mapabuti ang pang-ekonomya at pampulitikang kagalingan ng karamihan sa mga Pilipino. Ang pangunahing hamong pang-ekonomya ay harapin ang mga kabaluktutan sa ekonomya na nagkait sa mga nagtatrabahong Pilipino ng bung-buong pakinabang mula sa kanilang pinaghirapan at sa mga natural na yaman ng bansa, at sumagka sa pang-ekonomyang potensyal ng bansa.

Matagal na panahon nang ang istilo ay sumandig sa paglikha ng kapaligirang bukas sa globalisadong patakarang pang-ekonomya na siyang gusto ng mga dayuhan at local na mamumuhunan. Habang sila ay maliit na bahagi lamang ng populasyong aktibo sa larangan ng ekonomya, may mga naniniwalang ang tagumpay ng kanilang mga negosyo ay lilikha ng mga trabaho, magpapataas ng mga kita at susuporta sa pang-ekonomyang pag-unlad.

Tunay na nagkaroon ng paglagong pang-ekonomya, pagtaas na pangnegosyong tubo at paglago ng kayamanang personal ng iilan. Subalit sa buong saklaw ng ekonomya, ang tunay na disempleyo ay nasa walang-kapantay na mag-iisang-dekadang katindihan na nagpwersa sa may siyam na milyong mamamayan na mangibang-bansa upang maghanap ng trabaho. May 66 milyong Pilipino ang mahirap at nagtatangkang mabuhay sa P86 o malayong mas kaunti pa kada araw – habang kalahati ng populasyon ang nagkukumasya sa P18-54 lamang kada araw.

Ang hinaharap ng ekonomya ay lalong pinadidilim ng mg aproblema sa mga sector na inaasahang lilikha ng trabaho at dinamismo: ang local na manupaktura ay kumupis na sa kasinliit ng bahagi nito sa ekonomya noong 1950s habang ang agrikultura ay nasa pinakamaliit nitong ambag sa kasaysayan ng bansa. Ang maliliit at panggitnang mga prodyuser sa buong bansa ay tinamaan na ng alon ng pagkabangkarote.

Malinaw na nabigo na ang istilo ng pag-asa sa manipis na seksyon ng interes ng malalaking pribadong sector. Imbes, ang prayoridad ng patakaran ay dapat mapunta sa pagbibigay sa ibayong mas malawak na bilang ng mamamayang Pilipino na nagtatrabaho ng mas malaking bahagi ng mga produkto ng kanilang mga tinrabaho. Dapat din, mas kaya nila – gayundin ng anumang tunay at local  na maliit o panggitnang negosyo – na maabot ang lupa, puhunan at suporta ng gubyerno. Ang sobrang pagsandig sa mga eksternal na pagmumulan ng paglago tulad ng mga eksport at remitans ay bigo rin. Kailangang ang pokus ay sa paglikha ng local na pundasyong pang-ekonomya upang magtamo ng netong benepisyo mula sa internasyunal na pangangalakal at pamumuhunan.

Ang kagyat na hamong pampulitika naman ay ang mahinto na ang pinakamasasamang kontra-demokratiko at kontra-nasyunalistang tunguhin ng gubyerno ng Pilipinas. Kontrobersyal na ginamit ng administrasyong Arroyo at mga alyado nito ang mga kapangyarihan ng gubyerno para sa malawakang pandarayang electoral at upang makatabo ng di-bilang na puu-puong-bilyong piso bilang kickback, kabayaran at nakaw na yaman. Umani ng pandaigdigang pagkundena ang brutal at sistematikong paggamit sa military, pulis at korte sa pagtugis sa mga grupong Kaliwa at progresibo. Higit kailanman, lalong nadawit ang Pilipinas – isa sa pinakamalaking bansa sa mundo (pang-13 sa populasyon) – sa geopolitical na adyenda ng Estados Unidos (US) kabilang na ang pagiging mas bukas sa higit pang interbensyong militar.

Ang ibayong pagkasira sa mga pulitikal na institusyon ng bansa ay kinakailangang maayos. Ang mahabang proseso para rito ay makapagsisimula lamang unang-una kung mayroong pagpapanagot para sa mataas na antas ng korapsyon gayundin sa malawakang paglabag sa mga karapatang-tao sa proseso ng programang kontra-insurhensya ng gubyernong Oplan Bantay Laya (OBL) I at II. Ang kawalang-kaparusahan ay matatapos lamang kung, bukod sa retorika, ay may tunay na pagpapanagot.

Ang kumisyon ang imbestigahan si Pang. Gloria Macapagal-Arroyo na inianunsyo ng nangunguna sa paligsahan sa pagkapangulo na si Aquino habang nangangampanya ay maituturing na umpisa kahit na may mga pangamba na mamaniobrahan ito ng mga alyado ni Arroyo sa upisina ng Ombudsman at sa Korte Suprema. Subalit mahalaga ring masunggaban ang mga internasyunal na grupong hudisyal gaya ng International Criminal Court (ICC) na itinatag ng United Nations (UN) upang litisin ang mga krimen sa digma gayong ang mga local na korte ay nag-aatubili o walang kakayahang gawin ito.

Nasagkaan ng patakarang panlabas na kiling sa mga dayuhang kapangyarihan, laluna sa US, ang demokratikong panggugubyerno sa pinakamahusay na interes ng mamamayan. Ito’y kabaligtaran ng pagtangging makipagharap sa mga armadong grupo sa bansa sa isang prinsipyadong paraan. Makakabuti nang husto para sa pampulitikang kundisyon para sa lokal na pag-unlad ang kagyat na paggiit ng pambansang soberanya sa US gayundin ang paggamit sa mga usapang pangkapayapaan upang tanganin ang mga makabuluhang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitikang reporma na humaharap sa mga ugat ng armadong tunggalian.

Mga inisyal na solusyon
Ang bagong administrasyon ay ipoproklama pa subalit nasa pinakamahusay na interes ng mamamayan ang lumikha at maggiit, sa lalong madaling panahon, ng mga kongkretong hakbang tungo sa tunay na pagbabago, pag-unlad, pagtiwasay at pagsasarili. Ang ‘repormistang’ reputasyon ng administrasyong Aquino ay nakasalalay sa kung gaano kalayo nito kakayaning baligtarin ang mga bigong patakaran ng mga nakaraang administrasyon kabilang ng papaalis na administrasyong Arroyo.

May mga resultang patakarang kagyat na maaabot o maaari nang umpisahan sa unang 100 na araw ng bagong administrasyon na maaaaring maging unang mga hakbang tungo sa tunay na reporma sa bansa:
1.    Baguhin ang VAT Reform Law (RA 9377).
2.    Baguhin ang awtomatikong paglalaan para sa bayad-utang sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Section 31 ng PD 1177 na nagtutulak nito, at gayundin sa pag-amyenda ng Section 26, Chapter 4, Book VI ng EO 292 (Administrative Code of 1987) na nag-uulit sa mismong nilalaman ng Section 31 ng PD 1177.
3.    Tiyakin ang badyet ng di bababa sa P281 bilyon para sa edukasyon, P39 bilyon para sa kalusugan at P13 bilyon para sa pabahay sa 2011 pambansang badyet ng gubyerno upang ibalik ang panlipunang serbisyo sa kani-kanilang pinakahuling taunang rurok ng paggastos sa edukasyon kada batang nag-aaral (1998), paggastos sa kalusugan kada tao (1997), at paggastos sa pabahay kada tao (2000).
4.    Isuspinde at repasuhin ang Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA) at ang kasalukuyang negosasyon sa European Union (EU) sa Partnership Cooperation Agreement (PCA).
5.    Tipunin ang may iba’t ibang interes na pagrerepaso sa estratehiya ng pakikipagnegosasyon ng gubyerno at ng mga kasunduang inaprubahan sa mga usapan bilang bahagi ng ASEAN (hal., Japan, China, Korea, Australia-New Zealand, India, EU, US at ang ASEAN Trade in Goods Agreement).
6.    Tipunin ang may iba’t ibang interes na pagrerepaso upang kilalanin ang mga local na produkto na maaaring bigyan ng dagdag na proteksyong taripa, sa umpisa hanggang sa simpleng abereyds na bound tariff na pinapayagan ngayon sa ilalim ng patakaran ng WTO na 25.8% (mula sa simpleng abereyds ng ginagamit na taripa na 7.1% lamang).
7.    Kanselahin ang iskemang stock distribution option (SDO) sa Hacienda Luisita at ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka
8.    Ipatupad ang kagyat na across-the-board pambansang pagtaas sa sahod na P125.
9.    Imbestigahan at papanagutin ang kahahalal-na-Kongresistang si Gloria Macapagal-Arroyo para sa pandaraya sa eleksyon at sari-saring iskandalong korupsyon sa ilalim ng kanyang administrasyon na kinasangkutan niya, ng kanyang pamilya at mga alyado.
10.Ihapag ang 1998 Rome Treaty of the International Criminal Court (ICC) sa Senado ng Pilipinas para sa ratipikasyon.
11.Isuspinde at repasuhin ang Visiting Forces Agreement (VFA) kasama ang US at, samantala, paalisin ang lahat ng tropang militar ng US sa bansa at itigil ang lahat ng nagaganap o planadong operasyon, treyning, ehersisyo, proyekto at iba pang aktibidad na kinasasangkutan ng mga pwersang US.
12.Kagyat na pagpanumbalik sa pormal na usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippins (NDFP) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ito ang mga  kinakailangang pansimulang susing elemento tungo sa progresibong pagbubuwis, makatuwirang pagbabayad-utang, higit na responsibilidad ng gubyerno sa mahahalagang serbisyong panlipunan, tunay na repormang agraryo, pagwaksi sa walang-saysay na patakaran ng globalisasyon, pag-aayos sa paninira sa mga pampulitikang institusyon ng bansa, pagbigay-tulak sa proseso ng demokratisasyon, at pagharap sa mga ugat ng armadong tunggalian sa kahirapan at kawalan ng pag-unlad.

Anumang bagong administrasyon na naglalayong maging ‘repormista’ ay kailangang bumuno sa mahahalagang realidad: industriya at agrikulturang lubos na pinahina; naipong mga batas at patakarang pang-ekonomya; isang matigas na burukrasyang kinumplika pa ng mga presyur ng pulitikal na pagbabayad-utang pagkalipas ng eleksyon; at makasariling magkakalubid na pampulitika at pangnegosyong interes (kahit sa sarili nitong hanay). Patuloy na umuunlad ang mga demokratikong prosesonglokal at naghahari pa rin ang iilang makapangyarihan. Sa particular ang administrasyong Aquino ay nahaharap sa kontra-maniobra ng mga kampong Arroyo, Estrada at Villar na may kani-kanyang base sa Senado, Kongreso at mga local na gubyerno.

Sa gitna ng mga pagsubok na ito, lalong nagiging mahalaga ang kagyat na pagpapakita ng malakas na hudyat ng tunay na reporma at mag-establisa ng makabuluhang momentum sa hanay ng mga tunay n a pwersa ng pagbabago sa bansa. Sa kasalukuyang kundisyon ang pinakamahalagang estratehiya sa pag-abot ng inisyal na mga resultang patakarang ito ay ang pagsandig sa lakas ng mga progresibong pwersa sa loob at labas ng gubyerno – sila ang tunay na pinagmumulan ng tulak para sa pagpapatupad at ang pangunahing pwersa na susuporta sa mga unang hakbang na ito tungo sa reporma. – Lathalaing IBON.

Si Mr. Sonny Africa ay ang research head ng IBON Foundation, isang nagsasariling institusyon sa pag-unlad na itinatag noong 1978. Nagsasagawa ito ng pananaliksik, edukasyon, mga publikasyon, gawaing impormasyon at suportang pantaguyod tungkol sa mga isyung sosyo-ekonomiko.

« SINO BA AKO, ANG WIKA NI HESUS »

Sino nga ba si Hesus? Ano nga ba ang kanyang tunay na misyon at pagkatao? Mayroon ba sa atin ang higit na nakakilala sa kanya. Batid po nating lahat na sa kasalukuyan iilan lamang ang nakakilala sa tunay at malalim na pagkatao ng Hesus na ating ginigawang inspirasyon sa ating paglilingkod. Karamihan sa atin ay nanatiling mamang at nakabilanggo sa takot na siya’y kilalanin, sapagkat hindi ito ganun kadali – nangangailangan ito ng lakas ng loob at matibay na pananampalataya.

Si Hesus: isang simpleng karpentero na nabuhay mahigit dalawang libo taon na ang lumipas. Galing sa salat at simpleng pamilya at namuhay ng payak sa nayon ng Nazareth. Wala siyang ibang ninais kun’di bigyang saya at abot langit na kasiyahan ang kanyang ama at ina sa pamamagitan ng pagiging mabait, matulungin, at mapagmahal anak. Subalit, pagkalipas ng tatlong pong taon, biglang nag-iba ang Hesus na ating nakikilala. Hindi lang siya basta naging isang karpentero, masunurin at mapagmahal mahal na anak. Si Hesus ay naging tanyag ka kanyang paglilibot sa Galilea, Capernaum, at iba pang mga lugar. Nagigilalas ang lahat sa kaalaman na kanyang pinamalas, sa kanyang mapagmelagrong salita at mga kamay, sa kanyang tapang at lakas loob na usisahin at tanungin ang kridibilidad ang mga nakakataas sa lipunan. Kaya nama’y siya ay binansagan bilang isang rebolusyonaryo, kriminal, sinungaling, mandarambong, hindi marunong sumunod sa batas, mayabang, matigas ang ulo, tagapagligtas, mesiyas, at anak ng Dios.

Ngunit siya’y sinawimpalad, inusig, pinagpasakit, inpinahiya, ipinako, at namatay sa krus. Matapos ibuwis ang sariling buhay sa bundok ng mga bungo, sino na ba si Hesus sa kasalukuyan at sa darating pang mga panahon? Paano natin bubuhayin ang kanyang mga gawain: kabutihan; pagpakain sa nagugutom, paglilingkod sa mga mahihirap, pagbibigay liwanag sa hindi nakakita, pagtatanggol sa mga karapatang pantao, at walang takot sa pag-uusisa sa mga may kapangyarihan upang ipaglaban ang yinuyurakan ang dignidad ng karamihan. Sa mapanupil na lipunan, sino pa kaya ang maglalakas loob upang ipagpapatuloy ang pagpapastol sa mga nanawala ng landas, nawawala sa lipunan, mga bilanggong halos wala ng ulirat dahil sa tindi ng pasakit na dinadanas, mga pamilya labis-labis ang paghihinagpis – kuyom kuyom ang pait at galit sa kanilang mga dibdib. Mayroon pa kayang paraan, upang ating muling masilayan ang tunay na Hesus? Sino kaya sa ating ang kayang isikmura at subukan isuot ang sapatos ni Pedro na nag-sabi “Ikaw ang Mesiyas, ang tagapagligtas” Sino ba ako, sabi ni Hesus? Ano kaya ang iyong magiging kasagutan?

Sadyang mayroon pang pag-asa upang si Hesus ay ating lubos na makikilala? Paano kaya? Isaias Drummond Manano, pinatay noong Abril 28, 2004. Pangkalahatang Sekretarya ng Anakpawis-Mindoro Oriental – walang awing piñata dahil sa pagtatangol ng karapatan ng mga maralitang mambubukid at taga-lungsod. Joel Baclao 40 taong gulang, isang mapagmahal na ama sa kanyang dalawang anak at maybahay, isang masugid at masipag na manggawa ng Dios.walang awang pinagbabaril sa harapan ng kanilang tahanan sa Lacag, Daraga, Albay noong Nobyembre 10, 2005. Rev. Edison Lapuz, 38 taong gulang, piñata noong May 12, 2005. Siya ay naging bahagi ng isang grupo ng walang ninais kundi ipaglaban ang karapatan ng mga mahihirap and walang-wala sa lipunan. Mga magulang nila Sherly Cadapan, Karen Empeño, at Jonas Burgos – mga magulang na hanggang ngayo’y umaasa na buhay pa ang kanilang mga anak. Ang kanilang sabi’y Kahit isauli nyo ang malamig na bangkay o pirapirasong buto ng aming mga anak. Ni walang balak maghigante, ni walang balak manakit, at pumutay para masilayang muli ang mukha ng kanilang mga anak. Fr. Cecilio Lucero, isang romano katolikong pari at tapat na alagad ng Dios ng sa parokya ng San Jose, Manggagawa ng Catubig, Samar in katimogan Bisayas. Ang kanyang buhay at bokasyon ay sumasalamin ng kanyang wakas na hangarin na sumunod sa mga yapak ni Hesus. Sinusulong niya at sinuportahan ang karapatang pantao, kapayapaan sa bawat tahanan Kahit gulanit na pamayanan. Pinamunuan niya ang Karapatan ng Catarma,  naging metsa ng kanyang kamatayan. Iilan lamang sila so mahigit walong daan at walumpot limang biktima ng pagpatay sa ating bansa sa regimeng Arroyo at sa kasalukuyan mayroon na tayong apatnaput walong biktima ng pagpatay sa regimeng Aquino.


Sino nga ba si Hesus? Mga kapatid sila ang mga bagong mukha ni Hesus sa makabagong panahon. Batid nating lahat ang pasakit at kahirapan na kanilang niyakap para magkaroon ng malinaw na mukha ang Dios/Hesus na ating sinusundan. Ang hamon sa atin ngayon, handa ba tayong gawin at ipagpapatuloy ang kanilang nasimulan? Handa ba tayong maging katulad ni Hesus sa makabagong Lipunan. Sadyang hindi madali ang buhay na ating pinasok at niyakap, kaakibat nito’y matitinding pagsubok sa ating bokasyon, pagkatao, dignidad, at pananampataya. Naway makiisa tayo sa alingaw-ngaw at sigaw ng pag-asa, katarungan, at karapatan pantao. Upang sa panahong tayo’y tanungin ni Hesus, “Sino ba ako”, wala tayong ibang maging kasagutan kundi ang mga katagang ito, “Ako’y sumasalamin sa iyo Panginoon, tinawag mo ako upang maging konkretong halimbawa sa mundo ng mga mahihirap, inaapi, at gula-gulanit na lipunan na iyong binuhay sa pamamagitan ng iyong wakas at tunay na pagmamahal.” Hari nawa’y tayo’y maging liwanag sa mga nabubulag sa ating lipunan. Maging lakas sa mga nanghihina at nawalan ng pag-asa. Maging tapat na tapaglingkod ni Hesus na ating dala-dala ang pangalan habang tayo’y nagpapatuloy na paglalayag bilang mga bagong minsyonero sa kasalukuyang panahon. Nawa’y ang buhay ng mga inaapi, mga mahihirapan, mga walang boses, ang bulag, at mga inaalipusta sa ay patuloy nating maging lakas, inspirasyon, at konkretong mukha ng Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

- dugong makabayan


Huwebes, Agosto 25, 2011

Kapirasong Kritika (Mga Kritika ni Teo S. Marasigan)

Hindi mahirap hulaan ang mga magiging laman o sangkap ng darating na State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Noynoy Aquino sa Hulyo 25.

Una, sa una niyang SONA, ipinakita ni Noynoy na wala siyang pagkakaiba kay Gloria Macapagal-Arroyo: gagamitin ang SONA para sagad na paglingkurin ito sa interes ng rehimen at ng mga amo nitong malalaking kapitalista at haciendero.

Ikalawa, palibhasa’y may inaalagaan at pinapalaganap siyang ilusyon tungkol sa rehimen niya, walang humpay na nagtalumpati nitong nakaraan si Noynoy – at sa pag-uulit-ulit ay ipinakita na kung anu-ano ang bubuo sa SONA niya.

Anu-ano ang mga ito?
(1) Pagbunton ng sisi sa rehimen ni Gloria para sa lahat ng problema ng bansa. Para maging patok sa balita, tiyak na lalagyan ang talumpati ng panibagong pagbuking sa kung anomalyang natuklasan – na naman – na gawa ni Gloria. Eksaherado: “Alam po ninyo, natuklasan natin na ang pinalitan nating pangulo ay may kinalaman din sa pagpaslang sa aking ama at pagkakaroon ng sakit ng aking ina.” Mga ganyang pasabog.

(2) Pagyayabang hinggil sa “mga nagawa.” Pinakamayor dito, tiyak, ang pagkakamit ng gobyerno ng tiwala ng mga mamumuhunan. Pabobonggahin ito sa pagsasabing ito ang magbibigay ng trabaho, at disenteng trabaho pa nga, sa mga mamamayan. Pero hindi masyadong magtatagal dito, dahil mahirap itagong nakasalalay ang ganitong tiwala sa pagbarat sa sahod, pagpapalaganap ng kontraktwalisasyon at pagsupil sa mga karapatan.

(3) Pagyayabang hinggil sa paglaban sa korupsyon. Dito uugatin ang pagbabalik umano ng tiwala ng mga mamumuhunan. Ito ang papatampukin, para hindi mahalatang walang nagawa para sa mahihirap. Papaasahin ang mga mamamayan na mapapanagot na, sa wakas, si Gloria. Mahilig ang mga tagasulat ng talumpati ni Noynoy sa isinalin na idyomatikong ekspresyong Ingles: “Nasa hangin na ang katarungan,” sasabihin niya.

(4) Pagbibigay ng mga maka-maralitang pangako kasabay ng pagtutulak ng mga kontra-maralitang patakaran. “Gusto natin ng pagkain sa bawat mesa, tahanan para sa lahat ng pamilya. Makakamit natin iyan kung may disenteng trabaho ang lahat. At mangyayari iyan kung dadagsa ang mga mamumuhunan. Kaya kailangan po nating palayasin ang mga iskwater at baratin ang sahod. Para rin po sa kapakanan natin ang lahat ng ito.”

(5) Pagsagot sa mga kritiko. Mas paawa-effect ang gagawin, kaysa todo-banat. May malasakit siya sa mahihirap. “Naiiyak nga po ako kapag may nagtitinda ng sampaguita na kumakatok sa bintana ng Porsche ko.” Masipag siya sa trabaho. “Pasalamat nga po kayo at tumakbo pa ako. Kung hindi lang po naging ambisyoso ang mga kaibigan ko noong namatay ang nanay ko, siguro, puro larong kompyuter ang inaatupag ko ngayon.”

(6) Pagtuligsa sa mga kritiko. Palalabasin silang sagabal sa pag-unlad. “Hindi po tayo makakausad sa tuwid na daan hangga’t hindi natin sinasagasaan itong mga nagpoprotesta sa ating harapan.” Palalabasin silang alipores ni Gloria. “Iyun pong mga pinagpapatay ng pinalitan natin at ang pinalitan natin, nagsasanib na para idiskaril ang pagtahak natin sa daang matuwid.” Kahit pa hindi naman niya mapanagot si Gloria.

(7) Pagpapalaganap ng retorika ng optimismo. Isang aral sa mga SONA ni Gloria: Mas madaling mangako kaysa mag-ulat ng magandang nagawa. Kaya tiyak, uulan ng retorika ng optimismo sa SONA ni Noynoy. Para na namang tumira ng kung anong droga ang mga nagsulat nito. “Marami na po tayong nagawa. Pero nagsisimula pa lang po tayo. Marami pa ang darating. Lumalapit na po tayo sa katuparan ng ating mga pangarap.”

(8) Pagtahimik sa mga kontrobersyal na isyu. Mas malamang, hindi babanggitin ni Noynoy ang Hacienda Luisita at tunay na reporma sa lupa. Ano nga naman ang masasabi niya? “Pinangakuan ko na nga kayo na ipapamahagi ko ang kalupaan ng Luisita pagdating ng 2014. Ang gusto pa ninyo, tuparin ko ang pangako ko? Ano kayo sinuswerte?” Hindi rin kasi uubrang maghugas-kamay pa siya sa atas ng Korte Suprema.
Sa sobrang sipsip ng mga kongresista’t senador, tiyak na papalakpakan nila kahit gasgas na ang sasabihin ni Noynoy. Tuwang-tuwa naman ang mga nagsulat ng SONA. Ang pangarap ko lang, sana lang, kapag may sinabi si Noynoy na katulad ng mga nabanggit, imbes na magpalakpakan ang mga kongresista at senador, unti-unti, hanay-hanay silang biglang tamaan ng diarrhea. Hanggang magkagulo ang buong Batasang Pambansa.

Sisikat at lulubog ang araw, at parang batas ng kalikasan ang iba pang aspekto ng taunang balita at reaksyon sa SONA. Tiyak, may seksyon ng balita sa gabi tungkol sa fashion statement na gagawin ng mga kongresista at senador. Tiyak, magkukumahog ang mga komentaristang maka-Noynoy sa pagpuri sa talumpati: “Marami pa ang pwedeng paunlarin pero mas okey na ito kaysa sa mga narinig natin kay Gloria.”
Wala nang bagong mapapakinggan sa SONA. Pero marami tayong dapat iprotesta.

Miyerkules, Agosto 24, 2011

GINOONG PRESIDENTE

Hindi   naman problema ang napapanot mong buhok
Maging ang paninigarilyo mong nakakadalok
O ang pagiging matandang binata  at ang lakad mong baliko
Ang iba ay nagagalit dahil daw kasi ikaw daw ay  “retarded”
Kapos sa kakayanan at kulang sa pag-iisip

Hindi iyan ang pinag-uugatan ng problema ng bayan
At kung buhok ang pamantayan  ng pamumuno
Sana ay tumino na ang  bayan sa nakaraang pekeng pangulo
Lahat ng naging presidente pawang may mga asawa at anak
Pero talamak  din sa pagiging gamahan at kung magnakaw ay sandamakmak

Hindi rin sa pagiging  “abnoy”   
Kung laitin ka ng iba at  sa ‘yo ay galit na galit
Intindihin mo na lang ang damadaming nilang nag-ngungumingitngit
Kung tutuusin mali na ikaw ay laitin din ng ganoon na lamang
Pagkat masasaktan  ang mga taong  may’rong kapansanan.

Ang problema sa iyo Mr. President  ay tagapamandila ka ng interes ng naghaharing-uri
Masunurin at maaamong tupa sa imperyong naghahari  
Habang ang mamamayan ay lugmok sa  gutom at sariling bayan ay busabos  
Manggagawa at magsasaka, maralitang tagalunsod, buhay ay kalunos-lunos.

Repormang agraryo  di makakayaning harapin ,
Hacienda Luisita  di mo kayang ipamahagi
Kahit maka-ilang-ulit  na ipaalala na di nyo ito pag-aari,
Lupain  ng magsasaka’y  dinambong lang ng  iyong kauri.

Manggawang-bukid ang   nagbungkal ng lupa , nag-ani, nagpagal,
At sa tubo naman ang  angkan mo ang nagkamal
Sabi pa nga ng sister mo, “ they are pretty spoiled.”
Paano mo reresolbahin ang panawagang katarungang panlipunan
Di mo maikubli  na kinatawan ka ng mga naghahari-harian.

Alalahanin mo ring ang inaaping  anak-pawis
Buhay ng kanilang mga anak sa lupa ay nagbuwis
Silang naulila, nawalan ng asawa
Sa gitna ng kagutuman, puso pa rin ay nagluluksa.  

Alalahanin mo at kahit di mo pa nais intindihin
Matalas ang isip ng magsasakang  inaapi ng inyong uri
Kwentatdo nila ang kinulimbat ninyong  pag-ari
Maaari sa ngayon batas at hustisya sa inyo  ay kumakampi
May araw ding sing-talas ng gulok ang pagbulalas  ng pagtitimpi
Tamis ng tubo sila na ang aani! 

-ate nong

BABAE

Ang babae ay di isang putahe o  ulam
Pandagdag lasa at pang terno sa kanin
O isang  matamis na panghimagas
Na  sa hapag kainan ng kalibugan
Ay pinagpipistahang  ihahain
Ang babae ay di isang  alak
Lalagukin pampalipas oras

 O kaya’y pulutang chicharong bulaklak
Appetizer , o pampagana sa magdamag
Ang babae ay di  laruan
Na matapos maluma o magutay
Itatapon sa tambak na basurahan
Sinumang makapulot ay gagawing kalakal
  
Ang babae ay d ilang katawan
Pampuno sa kapos na kaisipan
Panapal sa pagtupad ng pangarap
O dekorasyon sa eskaparate ng tagumpay

Kung may humugis at umukit man kasayasayan
Likha ito ng  nakikibakang mamamayan
Kabilang ang kababaihan
Sa umpisa pa lang ay di lamang katuwang
Kundi isang pwersang-lakas na magbabago ng lipunan.
-ate nong

BITUING GABAY SA LANGIT

Isang gabi ng Abril , nagtext si DiwangMalaya…maganda daw ang buwan…tumanaw ako sa labas, ngunit di ko nasilyana ang kanyang sang nasisislayan….ang mayroon ay mga bituwing malayang isinabog sa kalangitang madilim….ningning nila’y  batid ko ay di kalian man magwawakas…… 
Mga bituing gabay sa langit
Ng mga naglalakabay sa gabing marikit
Aliwin yaong mga pagod ang bisig
Nang ang kariktan ng kutitap ay mamalas ng may   ngiti
Sa mga labi ng mga nag-aabang ng lbukang-liwayway
Mapanganib ang paglalakbay  sa gabi
Bawat hakbang at kilos ay may dapat ipagwagi
Sa tagaktak ng pawis sa gabing tahimik
Maaaring  dugong didilig ang magiging kapalit
Na magdidilig sa pangarap at pag-asa
Sa pag-usbong ng  bagong punla
O bituing nagririkitan sa luksa ng gabi
Ipaabot mo ang taos-kamaong pagpugay
Sa kanila na ang iyong liwanag ay gabay
Kung sa pagsapit ng  bukang liwayway
Ang ilan ay mabuwal
At di masilayan ang pag-usbong ng gintong palay
Hayaang sa pusod ng kalangitan sila’y magningning
Upang sa mga magnlalakbay laging na silang  kapiling
Hanggang ang bukang-liwayway ng paglaya
Ay aming sapitin!
O mga Bituin sa langit kung ito man ay dalangin
O simpleng  adhikain
Ituring nyo  na lang na ito’y kahilingan
 - ate nong

Korte Suprema, hinikayat na huwag palampasin ang makasaysayang pagkakataon sa kasong Luisita: Tunay na repormang agraryo, susi sa pagwakas ng kahirapan sa Pilipinas

alitang IBON | 24 Agosto 2010 | Ang pagbasag sa monopolyong pyudal ng angkang Aquino-Cojuangco sa Hacienda Luisita ay maghahatid ng madalian at pangmatagalang benepisyong pangekonomya sa mga manggagawang bukid
 
Sa pagpanumbalik ng Korte Suprema sa mga berbal na argumento sa compromise deal sa Hacienda Luisita  ngayong araw, hinikayat ng independyenteng grupo sa pananaliksik na IBON ang mga hurado ng Korete Suprema na huwag palampasin ang makasaysayang oportunidad na ipagkaloob ang dekada nang nabibimbing hustisya sa libu-libong manggagawang bukid sa Hacienda Luisita.

Ikinatwiran ng grupo na ang pagbasag sa pyudal na monopolyo angkang Aquino-Cojuangco sa Hacienda Luisita ay maghahatid ng madalian at pangmatagalang benepisyong pang-ekonomya sa mga manggagawang bukid. Ihinalimbawa ng IBON ang karanasan ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita na nagtanim ng mga gulay at iba pang produkto nang pansamantalang itinigil ng plantasyon ang produksyon ng tubo pagkalipas ng masaker noong Nobyembre 2004 kung saan pitong nagwewelgang manggagawang bukid ang pinaslang. Sa isang kaso, P500 ang kita ng isang manggagawang bukid sa tatlong araw sa produksyon ng gulay o halos 18 beses ng arawang sahod na natatanggap niya bago maganap ang masaker sa Hacienda Luisita.

Ang ganitong karanasan ay nagpapatotoo sa napag-alamansa isang nakaulat na pag-aaral ng National Development Authority (NEDA) noong 1989 na maaaring kumita ang mga magsasaka sa Hacienda Luisita nang higit pa kung may 0.78 ektarya ng lupa kaysa mag-ari ng sapi sa pamamagitan ng lubos na kontrobersyal na stock distribution option (SDO).

Papakinggan ng Korte Suprema ngayong araw ang mga argumento kaugnay ng SDO at sa compromise deal sa pamamagitan ng maneydsment ng Hacienda Luisita Inc. at mga diumano’y lider ng ng United Luisita Workers’ Union (ULWU), Alyansa ng mga Manggagawa sa Asyenda Luisita (AMBALA), at ang Supervisory Group ng HLI. Itinatanggi ng mga kasalukuyang opisyal ng ULWU at AMBALA ang mga diumano’y lider-pesante na pumirma sa kasunduan sa kanilang ngalan.

Sinabi ng IBON na ang puso ng isyu ng Hacienda Luisita ay panlipunang katarungan at ang desisyon na paborable sa mga nagbubungkal ng lupa ay magiging makasaysayang hatol na makatutulong na magpalaya sa 10,000 mangagawang-bukid sa 6,500-ektaryang lupain mula sa tuluy-tuloy na pagsasamantala at papalalang kahirapan. Idinagdag pa nitong ang tunay na repormang agraryo, kung saan kabilang ang tunay na paglipat ng pag-aari at epektibong kontrol ng lupa sa mga nagbubungkal nito, ang susing simula sa pagtatapos ng walang-patid na kahirapan sa bansa. Itinala ng IBON na dalawa sa tatlong mahirap na Pilipino ay naninirahan sa kabukiran kung saan pito sa 10 magsasaka, gaya ng mga nagtatrabaho sa Hacienda Luisita, ay nananatiling walang lupa sa kabila ng maraming tangka para sa “repormang agraryo”.

Ayon sa IBON, dapat agaran at komprehensibong isakatuparan ang repormang agraryo upang magtagumpay at magkaroon ng totoong epekto sa kahirapan sa kanayunan at sa pag-unlad ng bansa. Ang sadyang makupad na implementasyon, tulad sa pamamagitan ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at ngayon ng CARPer, ay nagbibigay lamang sa mga panginoong-maylupa ng pagkakataong ikutan ang reporma sa lupa at magpatuloy sa pagkamkam ng kayamanan mula sa produksyong agrikultural at mula sa pagpapalit-gamit ng lupa. Kung kaya’t kung papaano haharapin ng administrasyong Aquino ang kaso ng Hacienda Luisita ay maghuhudyat ng pinakamalakas na palatandaan ng interes nito sa katarungang panlipunan, pagpawi ng kahirapan sa kanayunan, at pangmatagalang pag-unlad pang-ekonomya. #

Conditional Cash Transfers (CCTs): Pansamantala, mapanlihis at di-maipagtanggol

Ang paatras na katangian ng CCTs ay pinakamauunawaan sa pagdepensa nito sa mga patakarang neoliberal (pagbibigay-buwelo sa ‘malayang’ pamilihan) - makroekonomiko (pagtanaw sa ekonomya sa pangkabuuan). Ang mas malawak na badyet para sa ‘proteksyong panlipunan’ ay gagamitin upang pahinain ang epekto ng mga panlipunang suliraning ibubunga ng mga patakaran ng globalisasyon na may itinatangi, maipagpatuloy ang implementasyon ng mga ito, at makapagtulak ng dagdag pa.

Lathalaing IBON – Ang conditional cash transfers (CCTs) ng administrasyong Aquino, na pinakamalaking bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) nito, ay maraming kaaya-ayang punto. Ang pagbibigay ng salapi sa mahihirap na pamilya ay kaaya-aya sa mga kiling sa kawanggawa. Ang mga interesado sa panlipunang kapakanan ay nagagalak sa pokus sa kalusugan ng mga ina at bata at sa batayang edukasyon. Ang mga teknokrata naman ay komportableng pag-usapan ang ‘kapital sa tao’, ‘mga sistema sa pagtarget sa mga sambahayan’, ‘katatagang panlipunan’, ‘proteksyong panlipunan’ at mga maihahatid sa madla na nasusukat.

Subalit habang ang CCTs sa unang tingin ay di-matatawaran, nag-uudyok ng mga seryosong usapin kapag tiningnan ito sa perspektiba ng progresibong pag-unlad at sa konkretong kundisyon ng Pilipinas. Maaaring maghatid ng inaasahang ginhawa sa mga pamilya ang CCTs subalit kung hindi pa rin nangyari sa ekonomya ang mga radikal na repormang kailangang-kailangan nito, mananatili ang mga ugat na sanhi ng kahirapan – at mananatiling mas mahirap higit kailanman ang mga Pilipino.

4P/s mga numero kaugnay ng CCTs

Diretsahan ang disenyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa programang 4Ps/ CCTs. Maggagawad ito ng salapi sa mga benepisyaryong sambahayan na tumutupad sa mga sumusunod na kundisyon: ang mga buntis ay tumatamasa ng pangangalaga bago at pagkatapos manganak at may sanay na propesyunal pangkalusugan sa pag-anak; nakatatanggap ang mga batang edad 0-5 ng regular na tsekap at bakunang pangkalusugan; ang mga batang edad 6-14 ay umiinom ng gamot pampurga dalawang beses kada taon; ang mga batang edad 6-14 ay dumadalo sa day care, preschool, elementarya at hayskul (ayon sa dapat) nang 85% ng buong panahon; at dumadalo sa mga ‘pag-aaral hinggil sa pagpapaunlad ng pamilya’ ang mga magulang.

Ang mga benepisyaryong sambahayan ay makatatanggap ng P500 kada buwan sa pagtupad sa mga kundisyong pangkalusugan (P6,000 kada taon) at P300 kada bata kada buwan, hanggang sa maksimum na 3 b ata, para sa rekisitong pang-edukasyon (o P3,000 kada bata para sa 10-buwang ng taong pampaaralan). Ang isang sambahayan na may tatlong kwalipikadong bata kung gayon ay maaaring makatanggap ng P1,400 kada buwan sa loob ng taong pampaaralan o hanggang P15,000 kada taon. Ang biyayang salapi ay maaaring matanggap hanggang limang taon, pinakamalamang sa pamamagitan ng ATM/ cash card ng Land Bank na ibinigay sa ina.

Ang CCTs ay inumpisahan sa ilang libong sambahayan noong huling bahagi ng 2007. Ang pormal na implementasyon ng programa ay nag-umpisa noong 2008 at tinarget na makaabot sa isang milyong benepisyaryo sa 2010. Dramatikong pinalalawak ng administrasyong Aquino ang programa na ngayon ay tumatarget na makaabot sa 2.3 milyong sambayahan sa 2011 (2.6 milyon sa ibang ulat) at hanggang apat na milyong benepisyaryo sa 2016. Upang maabot ito, ang badyet para sa 4Ps ay dinagdagan mula P10 bilyon noong 2010 hanggang P29.2 bilyon sa 2011, at ang P21.2 bilyon nito ay para sa implemetasyon ng CCTs. Tinatantsa ng kasalukuyang kalihim ng DSWD na ang kaakibat na halagang pangpangasiwa ay aabot ng P1.9 bilyon taun-taon, at hihigit sa P4 bilyon kung ilalakip ang iba pang gastos sa mga treyning ng mga magpapatupad, mag lider-magulang at komunidad.

Pagpapanggap ng kahirapan

Ang malalaking numero ay kaaya-ayang isipin laluna sa gitna ng kaganitan, lawak at lala ng kahirapan sa Pilipinas. Pito sa sampung Pilipino (70%) ang nagtatangkang tugunan ang kanilang mga batayang pangangailangan kabilang ang pagkain, masisilungan, damit, gamot at edukasyon sa P86 kada araw; sa pinakailalim, isa sa tatlong Pilipino (33%) ang nagtatangkang mabuhay sa P41 o mas kaunti pa kada araw.

Ang mungkahing cash transfers ay di-matatawarang halaga para sa mga pinakamahihirap na pamilya ng bansa. Ang pinakamahirap na 10% ng mga pamilyang Pilipino ay may buwanang sahod ng P2,700, ang sunod na 10% na pinakamahirap mga P4,200 at ang sunod pang 10% na pinakamahirap mga P5,400, ayon sa pinakahuling 2006 Family Income and Expenditure Survey (FIES). Ang maksimum na P1,400 kung gayon ay makapagpapataas sa kita ng pamilya kada buwan nang 26% hanggang, sa kaso ng mga pinakamahirap na pamilya, mga 52% o higit pa. Gayundin, anumang tunay na pagbuti sa kalagayang pangkalusugan at edukasyon ng mga ina at bata ay walang-dudang mainam. Gayunman dinadagdagan ng programa ang bigat ng gawain para sa mahihirap na kababaihan gayong sila ang magiging pangunahing responsible sa pagtiyak ng pagtupad sa mga kundisyong pangkalusugan at edukasyon, at sila ring dadalo sa buwanang seminar pampamilya.

Ang bisa ng iskemang 4Ps/ CCT sa tunay na pagpawi ng kahirapan ay pinakamalamang napapalaki at, katunayan, ang programa ay posibleng gagamitin para sa mga layuning magpapalala ng kahirapan at sisira sa kapakanan ng mga Pilipino sa pangkalahatan.

Ang unang alalahanin kaugnay ng iskema ay ang diumano’y benepisyo sa larangan ng pinabuting ‘kapital sa tao’ na hindi tyak laluna sa mga ispesipikong kundisyon ng Pilipinas. Ang bansa ay nananatiling batbat ng kulang at mahinang-kalidad na pasilidad sa edukasyon at kalusugan na maaaring maging kulang para sa mga dagdag na gagamit. Ang higit na pagbanat sa mga limitadong klasrum at guro ay malamang na hihila pa pababa sa kalidad ng pagtuturo sa mga kasalukuyang estudyante, at gayundin sa pagsobra ng karga ng mga pasilidad at tauhang pangkalusugan. Ang hinahanap na pagbuti sa kalusugan o resulta sa pagtuto ng mga benepisyaryo ay maaaring hindi mangyari para sa marami. Binibigyang-diin nito ang mahalagang rekisito ng responsableng estado sa anumang programang CCT, at ang ‘kundisyon’ ay isang estado na tinutupad ang obligasyon nito sa mamamayan.

May batayan din para maniwalang ang bilyun-bilyong piso na inilaan ay hindi lahat mapupunta sa nakasaad na layunin. Malamang magkakaroon ng kakulangan sa kakayahang pangasiwaan ang wastong pagpapatupad ng ambisyosong proseso ng pag-target, pag-monitor at pagtugon sa 4Ps. Pagpasok halimbawa sa ika-4 kwarto ng 2010, ang DSWD ay kulang pa ng 212,000 sa tinatarget na isang milyong benepisyaryong sambahayan – subalit nais na nitong biglang abutin ang higit pa sa doble ng halaga para rito sa susunod na taon. Ang nakaukit na tendensya sa korapsyon at abuso sa pagkiling sa gubyernong pambansa at lokal, laluna kaugnay ng malalaking bulto ng pondo gaya ng sa CCT, ay isang mahirap taluning problema. Kaya’t nakakaalarmang pansinin na ang gubyerno ay patuloypang naglalabas ng kinita nito para sa pagpapatupad ng programang CCT.

Ang signipikanteng bilang ng pinakamahihirap sa bansa ay di pa nga mahahagip ng programa. Kabilang rito ang mga walang permanenteng tirahan (dahil kulang sa estableng trabaho o kabuhayan, o impormal na residente sa mga pinuprotestang komunidad), mga pamilyang walang tahanan, mga matatandang walang anak, at iba pa. Sa kabilang banda, ang malaking bilang ng mga maaabot ay maaaring di pa kabilang sa mga pinaka-nangangailangan o maaaring kabilang na sa mga dati nang tumutugon sa mga kundisyon ng CCT bago pa maabot ng programa. Ang programang CCT ay maaari ring sumosobra ang pagtantsa sa mga potensyal na benepisyo ng pagpapaunlad ng mismong ‘kapital sa tao’. May bandang 4.6 milyong walang-trabahong Pilipino sa bansa na siyam sa sampu (87%) ay nakapag-aral – 44% ang nakatapos ng o nasa hayskul, at 43% ay nag-aaral o nagtapos ng kolehiyo. Binibigyang-diin nito kung papaano, sa pangkalahatang kalagayang pang-ekonomya ng mahinang posibilidad ng trabaho kung saan ang pagiging tapos ng hayskul o kolehiyo ay hindi garantiya na magkakatrabaho, hindi makatotohanang akalain na kapag nakapag-aral o mas malusog gaya ng tinatarget ng CCT ay magreresulta sa pagkakaroon ng produktibo at mainam-magsahod na trabaho.

Pangalawa, ang 4Ps/ programang CCT ay magiging panabing para palakasin ang suporta para sa mga neoliberal o ‘malayang pamilihang’ patakaran ng globalisasyon na dati nang nagsanhi ng higit na kahirapan at pag-atras. Ang paatras na katangian ng lubos na pinalawak na programang CCT ay pinaka-nabibigyang-kahulugan ng pagtanggol nito sa mga neoliberal/ makroekonomikong patakaran. Ang mas masaklaw na badyet para sa ‘proteksyong panlipunan’ ay gagamitin upang bawasan ang epekto ng konsekwensya ng mga may-tinatanging patakaran, bigyang-katwiran ang patuloy nitong implementasyon, at humiling ng higit pa rito. Ang programa ay maaari ring magpaganda sa larawan ng kahirapan ng bansa taon sa 2015 pandaigdigang dedlayn sa pagtugon sa kontra-kahirapang Millennium Development Goals (MDGs) ng United Nations (UN), kapag ang mga kalakaran ng neoliberal na mga patakaran nitong mga nagdaang dekada ay di-maiiwasang dadanas ng higit na pagkilatis.

Gayunman, sa pangkalahatan, ang sitwasyon ay malamang magiging kahalintulad sa karanasan sa ‘safety nets’ sa lipas nang panahon ng structural adjustment at mga programang estabilisasyon: panandaliang benepisyo ng CCTs para sa ilang benepisyaryo na matatabunan ng pangmatagalang presyo ng pagwasak ng ‘malayang pamilihan’ sa trabaho at kabuhayan (kabilang ang mga nakatanggap ng CCT). Malinaw ang kaugnayan ng CCTs sa neoliberalismo. Binibigyang-katwiran ito bilang ‘mabisa’ sa pagpokus sa ‘karapat-dapat na mahihirap’, ang mga bata ay ‘kapital na tao’ na bibigyang-puhunan sa kanilang pagkakaroon ng kakayahang kumita sa hinaharap, at ang papel ng ‘indibidwal na responsibilidad’ sa panlipunang kahirapan ay binibigyan ng labis na diin – habang ang gubyerno ay pinahihintulutang isapribado ang esensyal na mga serbisyong panlipunan dahil ang pangingialam pangkapakanan ay ibinaling na sa cash transfers. Subalit ang serbisyong edukasyon at pangkalusugang para sa lahat ang naghahain ng pinakamahusay na posibilidad para sa tunay na unibersal na pag-abot ng lahat ng Pilipino, laluna ang pinakamahihirap. Dahil namamahagi lamang ng salapi sa ilang piling target, hindi hakbang ang programa tungo sa pag-abot ng layunin ng unibersal na paggamit ng lahat ng mahihirap na pamilya.

Pangatlo, ang CCTs ay nagbibigay ng esensyal na panandaliang ginhawa subalit nananatiling pawang pagpapamudmod. Pagpapamudmod ang CCT dahil ang mga benepisyaryo ay makakukuha ng salapi kapalit ang isang bagay na walang kinalaman sa kanilang trabaho bilang mga produktibong indibidwal – kayat tinataliwasan nito ang konsepto ng ‘kapital sa tao’ bilang panlipunang puhunan. Higit pa, mapamili ang katangian nito at ang mga benepisyaryo ay makakukuha lamang ng salapi hangga’t gumagana ang programa. Ang nakakintal na padron sa pambansang badyet ng gubyerno na isakripisyo ang mga panlipunang serbisyo sa panahon ng paulit-ulit na pagtaas ng bayad-utang at paghihigpit-sinturon ay partikular na panggagalingan ng kawalang-katiyakan at kawalang-kapanatagan.

Higit na pagkabaon sa utang

Ang programang CCT at ang mga di kaiga-igayang resulta nito ay darating pa sa presyo ng tumaas na utang para sa bansa. Ang gubyerno ng Pilipinas ay nakatamo na ng di bababa sa US $805 milyong utang upang mapinansyahan ang programang CCT nito, o mga P35 bilyon sa kasalukuyang palitan. Ang tulak ng World Bank para sa CCTs ay nag-umpisa sa teknikal na tulong para sa isang National Sector Support para sa Social and Welfare Development Project noong 2006. Noong Nobyembre 2009, ang WB ay nag-apruba ng US$405 milyong utang para sa Social Welfare and Development Reform Project (SWDRP) na kabilang sa iba pa ay sumaklaw sa cash transfers para sa may 376,000 sambahayan. Gayundin, ang Asian Development Bank (ADB) ay nagbigay ng kaugnay na tulong teknikal mula 2007 at 209 at, noong Setyembre 2010, ay nag-apruba ng US$400 milyong pautang para sa Social Protection Support Project (SPSP) na nagbigay ng pinansyal na suporta para sa 582,000 sambahayan. Ang World Bank at ADB ay matagal nang kabilang sa pinaka-sustenidong tagapagtaguyod at pinanggagalingan ng presyur para sa mga neoliberal at maka-globalisasyong patakaran sa Pilipinas.

Ito ay mga pautang para sa mga di-tiyak at kaduda-duda pa ngang resulta. Halimbawa, ang pangunahing ulat ng UN sa kahirapan na inilunsad noong Setyembre 2010, na tumukoy sa “[mga proteksyong panlipunang programa na] target batay sa kita at nagpapataw ng mga kundisyunalidad” ay nagsasabing: “Ang mga prinsipyong ito ay kwestyonable at hindi laging nagbubunsod ng inaasahang resulta, laluna kapag ang mga puhunan sa mga programa ay minimal at hindi sinusuportahan ng pagsisikap na harapin ang mga istruktural na sanhi ng kawalang-seguridad ng ekonomya.” Pinahuhupa ang pagbabanderang maka-CCT at kinikilala ang suporta sa ganoong mga inisyatiba ng mga eksternal na tagapagbigay, sinasabi ng report ng UN na “ang benepisyo sa makitid kung tumarget na tulong panlipunan ay kwestyunable” at ang “pagtarget batay sa kita ay ma karugtong na mataas na kabayaran at tatak ng kasiraan at nabibigo sa pag-abot sa mga mahihirap”.

Di maipagtanggol na pagpapalawak

Kung isasaalang-alang ang lahat ng bagay, ang kapansin-pansing pagpapalawak sa programa ay nag-udyok ng kauna-unawang suspisyon. Halimbawa, ang multi-bilyong pisong ekspansyon ay hindi malinaw na nabibigyang-katwiran ng anumang komprehensibong ebalwasyon ng programa. Sinabi ng DSWD na ang dalawang ebalwasyon ng 4Ps ay isinagawa – Pilot Spot Checks and Qualitative Evaluation at isang sarbey ng Social Weather Stations (SWS) sa unang kwarto ng 2010. Kung ang pilot spot checks ay pumapatungkol sa unang implementasyon ng programa noong 2007, ang karanasang ito ay sumaklaw lamang sa 6,000 sambahayan at ebalwasyon batay sa mga ‘spot check’ ng yaon pala’y may 760 sambahayan lamang ay malayo sa sapat. Higit pa, ang resulta ng ebalwasyong ito ay hindi man lamang matawag na makinang na tagumpay gayong mahina o mababa ang mga resulta sa mga target gaya ng pagpupurga, kumpletong pagpapabakuna at mga pagpapaanak na inaksyunan ng mga sanay na prupesyonal pangkalusugan.

Ang kadusta-dusta’t lumalalang kapakanan ng puu-puong milyon ng mga Pilipino ay isang seryosong hamon sa pag-unlad. Ang tunay na pagsisikap sa pagpawi sa kahirapan ay nangangahulugan ng batayang pagbabago sa pang-ekonomyang patakaran tungo sa pagpapabuti ng lokal na produktibong sektor ng lipunan. Ang malalang agwat sa kita, yaman at pag-aari sa bansa ay nangangahulugan din na dapat nang isagawa ang radikal na repormang muling-makapagpapamahagi pabor sa mahirap na nakararami. Ang unibersal na paggamit ng lahat ng mga Pilipino sa kalusugan at edukasyon ay pinakamalamang mas makakamit sa pamamagitan ng pinalakas na sistema sa pampublikong kalusugan at edukasyon, hindi yaong isinapribado at tiyak hindi laluna ng mapamili, sumisipat at panandaliang pamamaraan. Kung itong mga progresibong panlipunan at pang-ekonomyang patakaran ay gumagana, hindi na kakailanganin pa ng mga programa tulad ng 4Ps/ CCTs – at kung wala ang mga gayong patakaran, walang anumang dami ng 4Ps/ CCTs ang sasapat kailanman. Lathalaing IBON

Ang position paper hinggil sa programang Conditional Cash Transfers (CCTs) ng IBON ay mababasa nang buo sa http://www.ibon.org/ibon_articles.php?id=115