Paano ba natin nalalaman na pinasok na ng Diyos ang ating buhay o kalooban? Sa ating ebanghelyo ngayon ipinahayag ni Lucas sa mas detalyado o madramang paraan pagtawag ni Hesus sa kanyang mga apostol. Inimbita ni Hesus ang kanyang sarili sa basnig ni Simon Pedro at hindi iyon ipinagkait ni Pedro sa kanya. Ngunit batid nating lahat na hindi lamang iyon ang kailangan ni Hesus. Ang hinahanap Hesus ay mga taong ganap na makapagbibigay ng kanyang buong sarili upang tumulong sa kanyang gawain – ang tipinunin ang sankatauhan at ipahawag ang labis-labis at hindi hukag na pagmamahal ng Diyos.
Tayo ay dinala ni Hesus sa baybayin ng Genesaret,kung saan ang pangingisda ay ang panguhaning hanapbuhay. Sa ebanghelyo ating masisilayan ang malawak na tubig dagat kung saan nagmumula o nakaugat ang buhay ng mga apostol. Marahil karamihan sa atin ay may ganitong katanungan, bakit nga ba sa dagat nangyari ang pagpili o pagtawag ni Hesus sa kanyang mga apostol – tagasunod? Bakit sa dami-dami ng pwedeng maging kanyang tagasunod,e, doon pa sa hanay ng mga mangigngisda ? Ang tubig dagat ay sumisimbolo ng buhay – malawak, tahimik, at may naka ambang panganib. Ngunit ito rin ay sumasalamin sa malawak na sakop ng misyon ng Diyos – walang hangganan. Ito’y sumalamin ng dami ng taong na dapat tipunin ng mga apostol. Bakit nga ba mangingisda ang napinili ni Hesus na maging tagasunod niya? Inilarawan ni Lucas ang isang espesyal na mga katangian o kalikasan ng mga mangingisda: ang kanilang pagiging labis na matiyaga, mapagkumbaba, at matibay na pananampatalaya. Likas nga na mahirap maghintay nang magdamag ng walang tiyak na huli. Hindi nila alintana ang katotohanan iyon, subalit matiyaga nilang sinuyod ang karagatan ng buong gabi – hindi inisip ang sariling kapakanan, hindi inanda ang takot sa dilim na bumabalot sa laot, at patuloy silang umaasa ng sapat na huli ng isda para sa kanilang mga pamilya. Ganito ang inaasahan ni Hesus sa kanyang mga magiging apostol. Kahandaan sa paglilingkod at matiyaga paghihintay. Pusong mapagkumbaba at lubos na pananampalataya sa kakayahan ng Diyos na lingapin at tulungan ang mga nangangailangan. Kung kasing lawak nga naman ng tubig ang sankatauhan na iyong titipunin, ay tiyak ang mga katangiang ito ang tangi at higit na kailangan.
Batid nating lahat na hindi madali ang pagsunod sa landas ni Hesus. Kaakibat nito ay matintinding pagsubok. Iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya. Hindi man ganun kalaki ang kanilang ari-arian bilang mga mangingisda pero ito ang kanilang buong buhay: hanapbuhay, pamilya, at buo nilang nakaraan bilang mangingisda. Sa himalang ipinakita ni Hesus ay kanilang lubos naintindiha ang kanilang bagong tungkulin bilang “mangingisda ng tao” - ang pagbuklurin ang mga taong pinagwatak-watak ng kasalanan at para pag-isahin ang nakakalat na mga anak ng Diyos.
At bilang mga bagong Simon Pedro at mga anak ni Zebedeo sa kasalukuyan, handa ba tayong yakapin ang buhay sa malawak na karagatan? Sabi nga sa isang tula na sumalamin sa katotohanan at pangyayari sa kasalukuyan: ang buhay ay dagat, ang kalayaan ay lambat, ang dangal ay isda…ngunit ngayon, hindi na masagana ang dagat, gulanit na ang lambat…wala ng isda at mangingisda.
Dapat nating maintindihan na ang dagat ay sumasalamin sa sankatauhan sa kasalukuyan. Mga taong may iba’t ibang paniniwala at idolohiya sa buhay. Mga taong may iba’t ibang interes sa ating lipunan. Mayroon nakaka-angat at mayroon lugmok sa kahirapan. Hindi ito bago sa ating pandinig, sapagkat palaging natin itong niyayakap sa tuwing tayo ay pumunta sa kanya-kanya nating gawain tuwing sabado. Handa ba tayong gawin ang ginawa ng mga apostol? o maging tulad nila? Iniwan ang lahat at sumunod kay Hesus, sa tuwing ating binabahagi ang ating mga sarili, ito ba’y nakatoon at nakasentro sa paglilingkod o nanatili sa sawsaw suka na paraan . Sa ngayon gagawin ko ang aking mga gawain sapagkat ito’y iniatas sa akin…pagkalipas ng ilang buwan o pakatapos ng aking nakalaang tungkulin…paalam na…tapos na ang lahat…tapos na akong makisawsaw sa buhay ng mga mahihirap, inaapi, at biktima ng bulok na sistema ng pamahalaan.
Bilang pantapos sa aking pagbabahagi; nais kung ibahagi sa inyo ang storya ng isang magiting na babaeng na pumalaot sa malawak na karagatan – sa buhay ng mga mahihirap, inaapi, at biktima ng bulok na sistema ng mga namamahala. Hindi lang siya basta nakisawsaw – bagkos ang kanyang buhay na ibinuwis ay sumasalamin sa tunay na pagsunod kay Hesus. Tawagin natin siyang si Filomena Asuncion, isang diaconesa ng Harris. Si Filomena ay isang simpleng babae…makaluma ika nga kung ati’y tawagin. Sa kanyang masinsinang pagbababad sa buhay ng kahirapan kanyang nabatid ang tawag ng Dios “Kumilos, Tipunin, ipahayag ang katotohanan at balita ng kaligtasan sa mga mahihirap.” Pinili niyang talikuran ang marangyang buhay at piniling manirahan kasama ang mga inaapi sa ating lipunan. Naging bahagi siya ng rebolusyonaryong kilusan, dinala nya ang balita ng kaligtasan sa kabundukan, kinakaskas niya ang kanyang mga gitara sambit ang mga himig at hinaing ng paglaya, pagbabago, at pagkapantay-pantay ng tao sa ating lipunan. Siya ay nasawi sa isang enkwentro laban sa kumpunan ng mga sundalo. Naging tunay ang kanyang pakikiisa sa buhay ng mga mahihirap gamit ang rebolusyonaryo pananampatalaya na nakasentro sa nag-iisang Hesus na nais nating sundan.
Isa lamang ito sa maraming halimbawa at mga pangyayari sa malawak na karagatan sa kasulukuyan. Kaya ba nating maging tulad ng mga apostol ? Kaya ba nating maging tulad ni Filomena ? Ako hindi ko kaya…kailangan pa ng masinsinang paghahanda sa sarili at pagmulat sa tunay na kalagayan ng malawak na karagatan. Mga kapatid handa ba tayong galugarin ang walang hangganan at napakalawak na karagatan upang pagbuklurin ang mga taong pinagwatak-watak ng kasalanan at para pag-isahin ang nakakalat na mga anak ng Diyos na nabubulag ka kanya-kanya at pansariling pangangailangan? O maninatili nalang sawsaw suka…bulag sa tunay na kailangang tugon sa tawag ng Diyos sa atin…makatotohanang tugon sa daing ng kahirapan, inhustiya, at hindi pagkapantay-pantay sa ating lipunan. Paano ba natin nalalaman na pinasok na ng Dios ang ating buhay o kalooban? Pag-natutunan nating tanggapin ng malugod sa ating mga puso ang tunay na misyon na pinagkaloob ng Diyos sa atin. Ang matutunan nating sabihin : lumayo ka sa akin Panginoon, sapagkat ako’y makasalanan. Ito’y nakakatok na hudyat ng pagpasok ng Diyos sa ating buhay ngunit kapalit nito ay buhay na puno ng pagmamahal ng Diyos na hindi bunga ng balugyot na gawain kundi ang makatotohanang pakiisa at paglilingkod sa malawak na karagatan – ang tipunin ang nagkawatak-watak na lipunan at mamamayan.
- dugongmakabayan
- dugongmakabayan